BULACAN-PATULOY na bumababa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigang ito bunga ng epektibong kampanya ng provincial government sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocol habang patuloy na tumataas ang bilang ng nabakunahang mga bulakenyo.
Sa report ng Provincial Health Office(PHO)sa Malolos City,Bulacan nitong Miyerkules,umabot sa 88,639 ang COVID-19 cases; 86,497 o 97 porsiyento na ang nakarekober at mula sa 713 active case nitong Martes ay umabot na lamang ngayong Huwebes ang aktibong kaso sa 698 active case.
Sa 698 aktibong kaso,43 ang nasa pagamutan,118 ang nasa Temporary Treatment and Monitoring Facilities(TTMF) at 537 ang nasa home isolation habang may dalawang bagong kaso ng nasawi kaya sumampa na sa 1,444 ang naitalang nasawi sa virus.
Kaya’t patuloy ang panawagan si Governor Daniel R. Fernando sa kanyang constituents na mahigpit na ipatupad ang health protocol upang patuloy na bumaba ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Bulacan at inaasahang bababa sa Alert level 1 ang probinsiya ngayong pagpasok ng buwan ng Disyembre.
Mahigit 2 milyong Bulakenyo na ang nabakunahan ng unang dose at inaasahang patuloy na tataas ang bilang ng mga bakunado sa susunod na mga araw. MARIVIC RAGUDOS