SA patuloy na pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Muntinlupa sa loob ng tatlong araw ay nakapagtala na lamang ang lungsod 93 aktibong kaso ng virus.
Base sa datos ng COVID-19 update ng Muntinlupa City Health Office (CHO) ng Nobyembre 13, nakapagtala ang lungsod ng kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng virus na 27,519 kabilang na dito ang pitong bagong kaso habang 26,851 naman ang mga naka-recover at 575 ang mga namatay.
Nabatid na mula Nobyembre 11 hanggang 13, iniulat ng CHO na mayroon na lamang 22 ang naging bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ang isa sa naging dahilan ng pagbaba ng bilang ng kaso ng virus ay ay implementasyon ng stratehiyang PDITR + V (Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate plus Vaccination) upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.
Sa patuloy na pagbaba ng kaso ng virus, pinaalalahanan ang mga residente na huwag magpakakampante at ipagpatuloy na lamang sundin ang basic health protocols kabilang ang pagsusuot ng facemask kapag lumabas na ng bahay.
Sa ilalim ng Ordinance No. 2021-109 na tungkol sa pagsusuot ng facemask sa labas ng bahay, sa lugar na pinagtatrabahuhan, sa pagpasok sa mga gusali at opisina ng gobyerno at sa lahat ng pampublikong lugar, ay patuloy pa ring ipinatutupad ng lokal na pamahalaan at ang mga lalabag ay mapapatawan ng karampatang parusa at multa.
Nakasaad din sa ordinansa na dahil sa mataas na porsiyento ng mga nabakunahan ng mga indibidwal kasabay ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ay pinayagan na ng Sangguniang Panlungsod (City Council) ang hindi pagsusuot ng face shield sa mga pampubliko at pribadong establisimiyento na mayroong exceptions.
Nito lamang nakaraang lingo, pinawalang bisa na ng City Council ang mandatoryong paggamit ng face shield sa lungsod maliban na lamang sa mga ospital at klinika. MARIVIC FERNANDEZ