KASO NG COVID-19 SA MUNTI SUMAMPA SA 70

SA mabilis na pag-akyat ng kaso ng COVID-19 sa buong National Capital Region (NCR) ay kabilang ang Muntinlupa City sa mga lungsod sa naturang rehiyon ang tumaas ang bilang ng virus na sa kasalukuyan ay umabot na sa 70.

Base sa datos ng City Health Office (CHO) mula Hunyo 13 hanggang 19 ay mayroon lamang na 29 kaso ng virus ngunit nadagdagan pa ito ng 41 aktibong kaso o katumbas ng 141 porsiyento kung kaya’t sa kasalukuyan ay nakapagtala ng 70 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Simula nang kumalat ang COVID-19 sa lungsod noong 2020 ay nakapagtala na ang CHO ng kabuuang 40,179 kumpirmadong kaso ng virus kabilang na ang 39,531 pasyente na mga naka-recover habang 617 naman ang mga namatay sa virus.

Sa ginanap na media briefing, sinabi naman ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong NCR magmula pa ng kalagitnaan ng Mayo na umaabot na sa 200 kaso kada isang araw.

Sa kasalukuyan, ani Vergeire na nasa 32 bagong kaso ng Omicron BA.5 subvariant ang nadikubre na sa bansa kung saan ang apat dito ay natugon sa NCR, 21 sa Region VI, apat sa Region IV-A, at tatlo naman sa Region III.

Kaya’t panawagan ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa sa mga residente ng lungsod ang pagsunod sa basic health standard protocols kabilang na ang pagsusuot ng face mask at malimit na paghuhugas ng kamay pati na rin ang pagpapabakuna ng kani-kanilang booster shots para sa karagdagang proteksyon laban sa CO­VID-19. MARIVIC FERNANDEZ