INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Pasay na 24 sa kabuuang 201 na barangay na lamang o katumbas ng 11.94 porsiyento ang may natitirang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Base sa report ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), nakapagtala ang lungsod ng 28 aktibong kaso kabilang na dito ang 12 bagong kaso sa kabuuang 28,672 kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Mayroong 10 indibidwal ang mga bagong nakarecover sa virus o 97.89 porsiyento ng recovery rate na may 28,056.
Sa natitirang 24 barangay na may kaso pa rin ng COVID-19, ang Barangays 183 ang may pinakamaraming bilang na tatlong kaso, Barangay 36 at Barangay 161 na mayroong tig-2 kaso habang ang iba ay mayroon na lamang na tig-isang kaso ng virus.
Kaugnay nito, patuloy naman ang pagtuturok ng bakuna sa Giga vaccination site sa SM Mall of Asia (MOA) para sa mga tatanggap ng una at ikalawang dose ng bakuna pati na rin ang pagbibigay ng booster shot na gamit ang AstraZeneca vaccine mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 lamang ng hapon.
Nagkakaloob din ng bakuna sa vaccination site sa Double Dragon para sa mga hindi naturukan ng ikalawang dose ng Pfizer at sa mga bagets na nasa 12 hanggang 17 taong gulang.
Ang iskedyul naman ng baksinasyon para sa may edad 5 hanggang 11 taong gulang na walang comorbidities ay gaganapin sa T. Paez Elementary School (TPES), Villamor Airbase Elementary School (VAES) at sa SM MOA activity center. MARIVIC FERNANDEZ