SA loob ng huling siyam na buwan ay umabot na sa pinakamababang bilang na 90 aktibong kaso na lamang ng COVID-19 ang naitala sa lungsod ng Pasay.
Ang mabilis na pagbaba ng kaso ng COVID-19 ay bunsod na rin sa pagtugon o pagsunod sa mahigpit na pagpapatupad ng safety at health protocols kasabay ng tuloy-tuloy na pagtuturok ng bakuna sa mga residente ng lungsod.
Base sa COVID-19 update nitong Nobyembre 3 na naitala ng Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), mayroong kabuuang 21,897 kumpirmadong kaso ng virus kabilang ang naitalang 9 na bagong kaso habang 21,263 pasyente naman ang mga naka-recover kabilang na din ang 20 bagong naka-recover o katumbas ng 97.10 porsiyento na recovery rate.
Sa loob ng nagdaang apat na araw ay walang naitalang namatay sa virus kung saan nananatiling 544 ang bilang ng mga namatay o nasa 2.49 porsiyento na lamang ang death rate nito.
Gayundin, kabuuang 201 barangay sa lungsod ay 152 barangay na ang maituturing niyang COVID-19 free o katumbas ng 75.6 porsiyento habang 49 na lamang ang mga barangay na may mga kaso ng virus.
Nangunguna sa may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 ay ang Barangay 183 na mayroong 20 kaso na sinundan ng Barangay 113 na may anim na kaso; Barangay 108, 5 kaso; Barangay 153 at Barangay 201 na may tig-3 kaso habang ang iba pang natitirang barangay ay mayroon na lamang na tig-dalawa at tig-isang kaso ng COVID-19.
Sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod, umaasa ang pamahalaang lokal na magiging maayos at masaya ang pagdiriwang ng Kapaskuhan nitong taong kasalukuyan dahil na rin sa patuloy na pagbaba ng ipinatutupad na alert level sa buong Metro Manila.
Upang hindi na muli pang tumaaas ang bilang ng kaso ng virus, panawagan sa mga residente na panatilihin na lamang ang pagsunod sa mga guidelines ng health at safety protocols na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan gayundin ang pagbabakuna sa general pediatric population na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang at napapabilang sa klasipikasyon ng A3 category. MARIVIC FERNANDEZ