MULA sa naitalang isang kaso ng COVID-19 noong Disyembre 23, nakapagtala naman ang Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng mabilis na pagtaas ng bilang nito na umabot ng 610 sa loob lamang ng dalawang linggo.
Base sa Enero 4 report ng CESU, nito lamang nakaraang Linggo (Enero 2) ay nakapagtala ang lungsod ng 214 aktibong kaso ng COVID-19 na umabot sa 365 kaso ng Lunes (Enero 3) at nadagdagan pa ito ng 245 kaso ng sumunod na araw ng Martes na may kabuuang 610 aktibong kaso ng virus o may katumbas na pagtaas ng mahigit 67 porsiyento.
Sa naitalang 610 aktibong kaso ng COVID-19 ay napag-alaman sa CESU na 139 sa 201 barangay sa lungsod ang kasalukuyang may mga kaso ng virus.
Sampu sa 139 barangay sa lungsod na may mga kaso ng COVID-19 ay may double-digit na bilang na muling pinangunahan ng Barangay 183 na mayroong mataas na bilang na 90 kaso na sinundan naman ng Barangay 201 na mayroong 48 kaso; Barangay 14, 24 kaso; Barangay 66 at 169 na mayroong tig-13 kaso; Barangay 113 at 154 na may tig-12 kaso; Barangay 26 at 76 na may tig-11 kaso; at ang Barangay 137 na mayroon namang naitalang 10 kaso ng aktibong kaso ng COVID-19.
Sa patuloy na mabilis na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 ay sinabi ni CESU head Miko Llorca na agad na ipinag-utos ni City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagpapaigting ng contact tracing sa 201 komunidad sa lungsod upang mapigilan ang pagkalat at panghahawa ng virus.
Inatasan din si Llorca na isailalim sa granular lockdown ang mga komunidad na mayroong matataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Kung muling ipatutupad ang pagsasailalim ng granular lockdown sa mga komunidad na mayroong 3 o higit pang kaso ng virus at pagbabasehan ang talaan ng CESU ng mga barangay na mayroong aktibong kaso ay aabot sa 67 barangay sa lungsod ang maaapektuhan ng lockdown.
Kasabay nito, inatasan din ang lokal na pulisya sa ilalim ng pamumuno ng police chief Col. Cesar Paday-os gayundin ang mga punong barangay sa mahigpit na implementasyon ng health protocols at tiketan ang mga mahuhuling hindi nakasuot ng face mask pati na rin ang mga hindi sumusunod sa physical distancing. MARIVIC FERNANDEZ