MULA sa dating mahigit 100, bumaba sa 73 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Philippine National Police (PNP), ayon sa kanilang Health Service.
Ang nasabing bilang ay mula kahapon habang ang kabuuang kaso ay 49,420 makaraang madagdag ang 12 pulis na bagong dinapuan ng nasabing coronavirus.
Sa nasabing bilang, 49,218 ang nakarekober habang ang 28 ay kagagaling lamang o katatapos lamang ng kuwarantina.
Nananatili naman sa 129 ang mga namatay makaraang tamaan ng virus na ang unang fatality ay Abril 2020 at ang huli ay nitong Abril 2022.
Samantala, sa kabuuang 226.037 puwersa ng pulis , 88.74% nito o 225,446 ang fully vaccinated ng primary doses habang 118 pa ang naghihintay ng ikalawang dose.
Mayroon pang 473 pulis na hindi nababakunahan dahil sa sariling paniniwala at mayroong medical condition.
Kabuuang 223,317 pulis naman ang tumanggap ng booster shot. EUNICE CELARIO