KASO NG COVID-19 SA VALENZUELA, MALABON AT NAVOTAS TUMAAS

ISA ang patay habang 85 ang nagpositibo sa COVID-19 sa Valenzuela City at 16 naman sa Navotas City nitong Enero 16.

Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng Valenzuela, bunsod ng mga karagdagang bilang ng nagpositibo mula noong Enero 14 ay 8, 897 na ang confirmed cases sa lungsod at biglang lumobo sa 214 ang active cases.

Umabot naman sa 261 ang COVID death toll sa Valenzuela habang 8,422 na ang nakarekober.

Bunga nito, pinaalalahanan ang mga Valenzuelano na sumunod sa minimum health standards.

Pinayuhan din ang mga residente na manatili sa kani-kanilang mga bahay hangga’t maaari at huwag magpunta sa matataong lugar.

Gayunpaman, palaisipan sa mga residenteng sumasakay sa mga pampublikong sasakyan kung paanong mapananatili ang physical distancing gayong pinupuno ng mga driver ang seating capacity ng mga bumibiyaheng bus at jeep sa lungsod.

Samantala, 16 naman ang nagpositibo sa COVID sa Navotas sa nasabing petsa habang anim naman ang gumaling.

Umabot na sa 5,532 ang tinamaan ng COVID sa Navotas. 5,297 na ang gumaling sa mga ito, 172 na ang namatay at 63 ang active cases.

Sa lungsod naman ng Malabon, ayon sa City Health Department, dalawa ang nadagdag na confirmed cases nitong Enero 16 at 6,174 na ang positive cases, 70 dito ang active cases.

Apat naman ang gumaling at 5,868 na ang recovered patients sa Malabon habang nananatiling 236 ang namamatay. EVELYN GARCIA

Comments are closed.