(Kaso ng Dengue patuloy sa pagtaas) STATE OF CALAMITY IDINEKLARA SA SAMAR

PATULOY na tumataas ang kaso ng Dengue sa Samar province kaya naman idineklara na ang state of calamity sa nasabing lalawigan.

Batay sa Provincial Health Office, naitala ang mahigit 2,000 kaso ng Dengue sa loob lamang nitong linggo.

Pinakamaraming kaso ay sa Catbalogan City, Calbayog City at  Paranas.

Puspusan naman ang paglilinis at fumigation sa lugar at umaasang mapapabilis ang paglabas ng pondo para sagipin ang mga tinamaan ng sakit.

Samantala, una nang idineklara ang state of calamity sa Capiz dahil sa sumisirit na Dengue cases.

Sa datos ng Capiz  Provincial Health Office, mula Enero hanggang kasalukuyan, nasa 1,700 ang Dengue cases at limang pasyente ang namatay.

Sa ngayon, umaasa ang mga health official sa mga programa na search and  destroy  at malawakang fumigation upang mapigilan ang pag­lobo ng kaso.

Sa buong bansa, naitala ng Department of Health ang 150,354 na kaso mula Enero hanggang Agosto 10  na may average na 4,700 kaso kada linggo.

Nasa 396 deaths na ang naitatala dahil sa Dengue.

EUNICE CELARIO