KASO NG DENGUE SA CALABARZON BUMABA

Eduardo Janairo

INIULAT ng Department of Health (DOH)-CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na nakapagtala sila ng pagbaba sa mga kaso ng dengue sa rehiyon nitong unang bahagi ng taong 2021.

Batay sa datos mula sa Regional Surveillance and Epidemiology Unit (RESU), nabatid na mula Enero 1, 2021 hanggang Agosto 7, 2021 ay umaabot lamang sa 4,179 ang dengue cases na naitala nila sa rehiyon.

Anang DOH-CALABARZON, ito ay 47% pagbaba mula sa 7,933 dengue cases na naitala nila sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.

Nabatid na mayroon  namang 15 pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa sakit.

Ayon pa sa RESU, ang pinakabatang nabiktima ng nakamamatay na sakit na nakukuha mula sa kagat ng lamok ay dalawang taong gulang, habang 88-taong gulang naman ang pinakamatanda.

Ang lalawigan ng Rizal naman ang nakapagtala ng pinakamataas na dengue cases na umabot sa 1,377; sumunod ang Cavite na may 1,276 cases; at Laguna na may 895 cases.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Regional Director Eduardo C. Janairo ang mga residente na maging maingat upang makaiwas sa mga kagat ng lamok, lalo na ngayong nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng panahon ng tag-ulan.

“Karamihan po sa atin sa ngayon ay hindi lumalabas ng bahay kaya’t siguruhin po natin na tayo ay protektado hindi lamang sa COVID kindi pati na rin sa dengue,” aniya pa.

“Panatilihin po natin ang kalinisan, sa loob at labas ng ating bahay upang hindi po pamahayan ng mga lamok. Wala pong pinipiling oras ang mga ito upang mangagat at makapagdulot ng sakit na dengue,” dagdag pa ni Janairo.

Pinaalalahanan naman niya ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak, lalo na yaong nagkakaedad ng dalawa hanggang 10-taong gulang, dahil sila aniya ang mas nanganganib na makagat ng mga lamok.

“Use insect repellent, wear bright colored long-sleeved shirts and long pants and most important is to control mosquitoes inside and outside your home by destroying their breeding sites,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

3 thoughts on “KASO NG DENGUE SA CALABARZON BUMABA”

Comments are closed.