MASUSI nang iniimbestigahan ng Department of Health (DOH) ang mga kaso ng dengue sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Quezon City.
Ito’y kasunod na rin ng pagkamatay ng isang doctor ng PCMC matapos na dapuan ng severe dengue.
Ayon kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo, sinimulan nila ang imbestigasyon sa insidente nitong Lunes, Setyembre 24.
Ang Epidemiology Bureau ng DOH ang nanguna sa imbestigasyon, kasama ang mga miyembro mula sa region at Quezon City surveillance units, gayundin ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Nauna rito, inianunsiyo ng PCMC na may ilang empleyado sila, na kinabibilangan ng mga doktor at nars, ang dinapuan ng dengue at isa sa mga doktor ang binawian ng buhay dahil sa severe dengue noong Setyembre 19, habang ang iba pa ay magaling na ngayon.
Nilinaw naman ni PCMC Executive Director Julius Lecciones na walang kinalaman dito ang Dengvaxia dahil hindi naman sila nabakunahan nito.
Kinumpirma rin niya na dumami ang naitatala nilang acute dengue cases simula pa noong Mayo, 2018 kaya’t pinayuhan ang kanilang mga empleyado na maging maingat.
Pagtiyak pa niya, wala sa kanilang mga pasyenteng may ibang sakit ang nagkaroon ng dengue nang ma-admit, at wala ring mga magulang o guardian ang nagka-dengue habang ina-admit ang kanilang mga anak o alaga.
Siniguro rin niya na nagsasagawa na sila ng intensified control at preventive measures para sa kaligtasan ng kanilang mga pasyente, mga magulang at empleyado, kabilang na ang hospital-wide search at destroy vector control managament sa ospital, misting, fogging at paggamit ng insect repellants.
“We have now intensified not only our early reporting system for febrile episodes among our employees, but also search and destroy efforts against the mosquito vector in the hospital and our immediate outside environment. Heightened awareness is key coupled with early and proactive clinical inter-vention as appropriate,” ani Lecciones. “Dengue is a serious disease that needs to be controlled through concerted efforts of everyone. Our heightened vigilance continues for our employees, our patients and the larger community.” ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.