(Kaso ng Dengue tumataas) OCC MINDORO ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY

INAPRUBAHAN ng Sangguniang Panlalawigan ng Occidental Mindoro ang kahilingan ng mga health officials ng lalawigan na isailalim ito sa state of calamity matapos ang pagtaas ng bilang ng dengue cases sa 11 bayan at pagkamatay ng 9 katao nitong nakaraang Linggo.

Ito ang nabatid kay Dr. Teresita Tan, provincial health officer ng Occidental Mindoro matapos ang pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng iba’t -ibang LGUs na nahaharap sa malawakang dengue outbreak sa lalawigan.

Katulong ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council , hiniling ni Tan na maglaan ng sapat na pondo para ipambili ng mga medical kit, gamot at makinarya para magamit sa pagkontrol ng dengue cases sa buong lalawigan.

Sa ngayon ay mayroon ng 1,810 na kaso ng dengue at 9 ang naitalang namatay sa naturang sakit.

Malaking bagay ang ilalaan na calamity fund sa pagsugpo sa mapanganib na sakit na dengue kung saan 60 porsiyento ng bilang ng mga pasyente ay higit na nangangailangan ng agarang gamot at iba pang emergency equipment.

Nauna rito, nagdeklara ng state.of calamity noong nagdaang linggo ang mga bayan ng San Jose at Sablayan hinggil sa pagdami ng kaso ng dengue sa kanilang lugar.

Nanawagan din si Tan sa mga mamamayan ng probinsiya na doble ingat sa kani- kanilang mga tahanan kung saan itinagubilin niya ang paglilinis ng paligid at palagiang pagtatapon ng mga gamit na pinamumugaran ng lamok. ARMAN CAMBE