NAKAAALARMA na ang paglobo ng mga nagkakaroon ng sakit sa bato sa Pilipinas.
Ayon sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), tumaas ng 42 porsiyento ang bilang ng mga may chronic kidney disease sa bansa.
Sinabi ni Dr. Romina Danguilan, Deputy Executive Director for Medical Services ng NKTI, na nasa 60,000 na ang bilang ng mga nagpapa-dialysis na pasyente at 35,000 ang bagong pasyente na naitala noong nakaraang taon.
Aniya, ang bilang ng in-patient ay umabot na sa 12,000, tumaas ng 17 persiyento mula 2022, habang ang outpatient ay nasa 58,000 na, tumaas ng 38 porsiyento mula 2022.
Dagdag ni Danguilan, ang mga may sakit na diabetes at hypertension ang nangungunang nagkakaroon ng kidney failure.
Para makaiwas sa sakit sa bato ay sundin ang payo ng mga doktor. Umiwas sa mga pagkaing maaalat at may preservatives at laging magpa-check up lalo na kapag may nararamdaman nang sintomas.
Sinabi pa ni Danguilan na nagdudulot din ng kidney failure ang matinding init ng panahon kaya kailangang laging uminon ng maraming tubig.
Walang pinipiling edad ang sakit sa bato, bata man o matanda, kaya alagaan natin ang ating kalusugan at huwag maging pasaway, lalo na sa ating mga kinakain at lifestyle.