NABAWASAN ng 19.5% ang kaso ng focus crimes mula Enero hanggang nitong Abril, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ito ang kinumpirma ni Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo at sinabing mas mababa ito kumpara sa kaparehong panahon noong 2023.
“Makikita po natin meron pong pagbaba more or less 19.57% yung tinatawag nating focus crimes,” ani Fajardo.
Ang mga focus crime ay murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping of motor vehicles, at carnapping of motorcycles.
Habang marami ring suspek sa mga nasabing krimen ang natukoy ng PNP at mayroon na ring kinasuhan at naipakulong na mas marami kumpara noong isang taon.
Sa anti-illegal drug efforts, nakakumpiska ng P32.6 bilyon na halaga ng dangerous drugs simula ng Marcos administration noong Hulyo 2022.
Para sa cybercrimes, naisagawa ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang kabuuang 356 entrapment operations kung saan 1,202 suspek ang naaresto habang naisalba ang 4,140 biktima nito.
Sa operasyon naman laban sa international gaming licensing gaya sa Philippine offshore gaming operator (POGO) activities at online lending applications, sinabi ni Fajardo na 50 suspek ang naaresto habang 2,364 foreigners at 1,706 Filipinos ang na- rescue.
Para naman sa kampanya laban sa kidnap-for-ransom, bumaba naman ang insidente sa 43.
EUNICE CELARIO