KASO NG OMICRON SUBVARIANT BQ.1 SA PINAS NADAGDAGAN

NADAGDAGAN  pa ng isa ang kaso ng Omicron subvariant BQ.1 sa Pilipinas.

Batay sa huling datos ng Department of Health (DOH), nagmula sa Western Visayas ang panibagong biktima.

Dahil sa bagong tala, pumalo na sa 17 ang Omicron Subvariant BQ.1 cases sa Pilipinas.

Ang BQ.1, ay sublineage ng Omicron BA.5 na ikinokonsiderang variant of interest ng European Center for Disease Control.

Maliban sa BQ.1, 115 kaso rin ng Omicron subvariant ang naitala ng DOH sa bansa.

Kinabibilangan ito ng 64 na kaso ng BA.2.3.20; 42 XBB, dalawang BA.5, at anim na Omicron sublineages.

Samantala, sinuspinde ang in-person sa isang paaralan sa bayan ng Gattaran sa Cagayan Province, matapos 154 na mag-aaral at guro ang nagpakita ng sintomas ng COVID-19.

Sa Executive Order na ipinalabas ni Mayor Samuel Siddayao, nakasaad ang rekomendasyong kanselasyon ng klase sa Calaoagan Dackel National High School-Capissayan Annex, alinsunod na rin sa payo ng Rural Health Unit at Municipal Health Office.

Kabuuang nasa 145 mag-aaral at siyam na guro ang nagpakita ng sintomas gaya ng ubo, lagnat at pananakit ng lalamunan.

Noong Lunes nagsimula ang kanselasyon ng klase sa paaralan, na magtatagal hanggang sa Disyembre 16. DWIZ882