KASO NG OMICRON VARIANT POSIBLENG SUMIRIT

MALAKI ang posibilidad na sumirit ang kaso ng Omicron variant sa bansa sa loob ng isa hanggang dalawang buwan.

Sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Ted Herbosa, hindi mapipigilan ang pagpasok ng naturang variant sa Pilipinas.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ni Herbosa ang publiko na hindi dapat pakampante at sundin ang mga ipinatutupad na health protocols ng pamahalaan.

Bukod dito, kailangan din aniya na magpabakuna na kontra COVID-19 upang mas mapigilan ang pagkalat ng virus sa bansa.

Sa ngayon, umakyat na sa tatlo ang imported case ng Omicron variant sa bansa.

Samantala, makikipagtulungan ang manufacturer ng Astrazeneca sa Oxford University upang makabuo ng bakuna laban sa Omicron Covid-19 variant.

Ayon sa tagapagsalita ng kompanya, nagsasagawa na sila ng Oxford ng paunang hakbang sa paggawa ng bakuna kontra sa nasabing variant.

Una itong nabalita ng Financial Times kung saan nabanggit umano ni Sandy Douglas, isang research group leader ng Oxford.

Base sa isinagawang pag-aaral, nananatili ang neutralising activity ng antibody cocktail ng Astrazeneca na evusheld laban sa Omicron variant.

Hindi naman agad tumugon ang Oxford sa hiling na magkomento ito ukol dito. DWIZ882