KASO NG TIGDAS BUMABA NA

TIGDAS-2

KINUMPIRMA kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III na nakapagtala ang ahensiya  ng pagbaba ng measles cases at naabot na rin ang immunization target noong nakaraang buwan ngunit hindi pa rin tapos ang outbreak ng sakit sa bansa.

“Marami tayong mga region na bumaba na ang bilang ng measles cases pero hindi nangangahulugan na tapos na ang outbreak,” anang kalihim. “Sinasabi lang natin na bumababa na… although meron ding mga lugar na wala nang reported  cases ng measles pero ayaw naman nating sabihin na wala na ‘yung outbreak.”

Giit pa nito, hindi rin dapat na magpabaya ang DOH at sa halip ay ipagpapatuloy ang istriktong kampanya laban sa sakit.

Aniya, hindi pa rin maaa­ring tanggalin ang deklarasyon ng outbreak upang tuluy-tuloy pa rin ang paghikayat sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Sa ulat ng DOH, umaabot sa 3.8 milyong bata na nagkaka-edad ng anim hanggang 59-buwang gulang  ang natapos na nilang bakunahan laban sa tigdas noong Marso.

Samantala, sinabi naman ni Health Undersecretary Eric Domingo na maaari lamang nilang ideklara na tuluyan nang under control ang sitwasyon kung wala na silang maitatalang kaso ng sakit sa loob ng anim hanggang pitong linggo.

Paliwanag nito, sa ngayon, bagaman bumaba na ang naitatala nilang measles cases ay nakakapagtala pa rin sila ng mga bagong kaso ng sakit.

Dahil dito, kailangan pa rin aniyang mag-ingat at nais pa rin nilang ipagpatuloy ang kanilang supplemental immunization.

“Nagkakaroon pa rin ng bagong cases pero bumaba na, hindi na tulad ng dati na halos araw-araw libo-libong kaso,” ani Domin-go.  “Pero siyempre nag-iingat pa rin tayo. We still want to continue with our supplemental immunization.”

“Hindi pa tayo handa na mag-declare na tapos na ang outbreak. Kasi para mag-declare ay dapat walang bagong kaso for six to seven weeks. Medyo malayo-layo pa tayo doon,” paliwanag pa ni Domingo.

Matatandaang noong Pebrero ay nagdeklara ang DOH ng measles outbreak sa ilang rehiyon sa bansa kabilang ang Metro Ma-nila matapos na makapagtala ng pagtaas ng bilang ng measles cases.

Nagsagawa ng puspusang pagbabakuna ang DOH sa mga paslit, at maging ang mga grade school ay binakunahan bago magbakasyon, ngunit pili lamang.

Sa susunod na pasukan ay target naman nilang ipagpatuloy ang pagbabakuna sa grade schoolers.      ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.