KASO NG TIGDAS SA BULACAN TUMATAAS

TIGDAS

BULACAN- KINUMPIRMA ni Dra. Joy Gomez Esguerra ng Provincial Public Health-ll na patuloy ang pagtaas ng bilang ng tinamaan ng  measles o tigdas.

Base kasi sa tala nasa 475 ang bilang nang  hinihinalang tinamaan ng tigdas mula Enero 1 hanggang Disyembre  31 ng nakaraang taon.

Halos tumaas ito ng 352 porsiyento sa kaparehong panahon noong 2017 na nagtala lamang ng 105 na kaso.

Nangunguna sa mga bayan na may mataas na kaso ng tigdas ang San Miguel, Sta. Maria, Marilao at San Jose del Monte City.

Kung saan nakapagtala na ng siyam na namatay noong nakaraang taon.

Habang sa unang buwan ng 2019 dalawa na ang naitalang namatay sa  naturang sakit.

Karamihan sa mga tinamaan ng tigdas ay nasa pagitan ng edad da­lawa hanggang 55 taong gulang.

Nabatid na isa umano sa dahilan ng pagtaas ng bilang ng tigdas ang takot na magpabakuna dahil na rin sa isyu ng Dengvaxia.

Kasabay nito’y mu­ling ipinaalala ng opisyal na huwag balewalain ang sakit na tigdas at sakaling may makitang senyales ng sakit agad na magtungo sa pinakamalapit na ospital o clinic upang maiwasan ang pagkamatay at huwag matakot sa pagpapabakuna. THONY ARCENAL

Comments are closed.