KASO NG UK VARIANT NG COVID SA PH 44 NA

UMAABOT na sa 44 ang UK variant cases ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa.

Ito’y matapos na magpositibo rin sa UK variant ang 19 pa sa mga sample na isinailalim sa genome sequencing sa Philippine Genome Center (PGC) kamakailan.

Ayon sa DOH, batay sa kanilang nakalap na impormasyon, ang tatlo sa 19 na bagong kaso na ito ng UK variant ay mula sa Region 11.

Anang DOH, isa rito ay isang 10 taong gulang na batang lalaki, ang isa naman ay 54 anyos na babae at ang isa ay 33 anyos na lalaki.

Lahat ng mga ito ay walang kaugnayan sa isa’t isa at pawang aktibong kaso pa pero mild symptoms lamang ang kanilang nararanasan.

Samantala, ang dalawa naman sa bagong kaso ay mula sa Region 4-A o Calabarzon.
Ang isa rito ay isang 20-anyos na babae na naisailalim sa swab sample noong Disyembre 22 ng nakaraang taon habang ang ikalawang kaso naman ay isang 76-anyos na babae na nagkaroon ng exposure sa isang positive case noong Enero 21.

Ang pasyente ay nakararanas ng mild symptoms ng COVID-19.

Ang walo naman sa bagong kaso ay mga Returning Overseas Filipinos na nagpositibo sa virus pagdating sa bansa.

Apat sa kanila ay mga lalaki habang apat naman ang babae na nasa pagitan ng mga edad na 28 hanggang 53-anyos.
Ang anim sa kanila ay nasa isolation facilities pa habang ang dalawa naman ay nakarekober na.
Ang natitira namang anim sa bagong kaso ay bineberipika pa kung local cases o returning overseas Filipinos.

Ayon sa DOH, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon at contact tracing upang matukoy ang mga nagkaroon ng close contact sa kanila at saan posibleng nagsimula ang impeksiyon. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.