KASO NI AÑO, PINAG-AARALAN NG DOH

Maria Rosario Vergeire

KINUMPIRMA ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na pinag-aaralan na ngayon ng Department of Health (DOH) ang kaso ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, na muling nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos na una nang makarekober dito.

Ayon kay Vergeire, maaaring hindi rin nagtatagal ang mga antibodies na nade-develop sa katawan ng taong nakarekober mula sa COVID-19, kaya’t posibleng dapuang muli ng virus ang isang recovered person.

“Ibig sabihin, base sa scientific evidence, ‘yung antibodies na nagde-develop sa katawan ng isang nagkaroon ng COVID ay ‘di rin tumatagal ng ganu’ n katagal. Kailangang mag-ingat pa rin ‘yung nagkaka-COVID,” paliwanag ni Vergeire, sa panayam sa radyo.

Ilan pa aniya sa mga posibilidad na tinitingnan nila ngayon ay ang false positive na resulta ng pagsusuri sa kalihim.

“Maaring una, ito ay false positive o ‘yung una niyang pagkakasakit ‘yun ang false positive,” ani Vergeire.

Ikalawa aniya, maaaring may kontaminasyon sa laboratoryo, na dahilan kung bakit naganap ang false positive, at ikatlo ay maaaring remnants lamang ito sa virus.

Paliwanag ni Vergeire, ang mga RT-PCR machines ay sensitibo at kaya nitong ma-detect maging ang mga fragments ng virus.

“A COVID-positive patient may retain these fragments of the virus even for a long time. Kaya kung minsan nakikita natin sa ibang mga tao na nare-report na hanggang sa matagal na positive pa rin sila kahit non-infectious na sila,” aniya pa.

Tiniyak naman ni Vergeire na ilalabas nila kaagad sa publiko ang anumang impormasyon na makakalap nila hinggil sa naturang kaso.

Nauna rito, kinumpirma ni Año na nagpositibo siyang muli sa COVID-19 noong nakaraang linggo.

Si Año, na siya ring vice chairperson ng National Task Force (NTF) against COVID-19, ay matatandaang kauna-unahang gabinete ni Pang. Duterte na dinapuan ng sakit noong Marso.

Nakarekober siya sa karamdaman noong Abril at kaagad na bumalik sa trabaho.

Sinabi naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na mild lamang ang dumapong sakit sa kalihim ngayon, na naka-isolate na at masusing minu-monitor ng mga doktor. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.