KASO PINABABASURA NI MISUARI

Nur Misuari

IPINABABASURA ni Moro National Libe­ration Front founding chairman Nur Misuari ang kasong kriminal na nak-asampa sa Sandiganbayan bunsod ng umano’y maanomal­yang pagbili ng mga educational material noong siya pa ay  governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa inihaing 15-pahinang motion to dismiss, sinabi ni Misuari sa Sandiganbayan Third Division na walang ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa naganap na  irregular na transaksiyon.

Hindi rin aniya siya dapat managot sa isang transaksiyon na hindi na siya ang governor ng ARMM.

Binigyan-diin ni Misuari na matagal nang nabinbin ang kaso. Umabot aniya ng mahigit apat na taon para tapusin ng Ombudsman ang preliminary investigation.

Sinabi ni Misuari na inirekomenda ng fact-finding team ang pagsasampa ng kaso noong 2014, habang pormal na naisampa ang kaso sa Sandiganbayan nitong Mayo 5, 2017 nang walang isinasagawang preliminary investigation.

Si Misuari ay inakusahan na nameke ng procurement documents para sa kontrata na nagkakahalaga ng P77.26-million.

Pansamantala itong nakalalaya matapos maglagak ng P460,000 bail bond noong ­Setyembre 2017. TERESA TAVARES

Comments are closed.