TULOY ang pagsasampa ng kaso ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu laban sa truck driver na nahuling nagtatakas ng 21 frozen Palawan pangolins at 16 patay na marine turtles sa Puerto Princesa City noong Sabado.
Aniya, hayagang paglabag ito sa our environmental laws, partikular ang Wildlife Resources Conservation and Protection law.
Walang maidadahilan sa pagpupuslit at pagpatay sa wildlife species ng bansa kaya ipinasa na niya sa Philippine National Police (PNP) sa Puerto Princesa City ang driver, ngunit sasampahan naman ito ng kaukulang kaso.
Ang kinasuhan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), ahensiya ng DENR, sa paglabag sa Republic Act No. 9147, o Philippine Wildlife Resources Conservation and Protection Act, ay si Joshue C. Arellano.
Hiniling ni Cimatu sa PNP na tutukan ang kaso at alamin kung sino pa ang mga sangkot sa nasabing krimen.
Pinasalamatan naman ng DENR chief ang DENR-MIMAROPA at PNP sa pagkahuli kay Arellano dahil malaking tulong umano ito sa DENR.
Ayon naman kay DENR-MIMAROPA Director Henry Adornado, minamaneho ni Arellano ang isang Elf truck nang dumaan ito sa isang security checkpoint sa Brgy. Sta. Lourdes, Puerto Princesa.
Habang iniinspeksiyon, nakita sa truck ang 21 frozen Palawan pangolins at 16 na marine turtles.
Ang Elf truck ay walang plate number at may dala ring hindi lisensyadong .38 caliber pistol ang drayber.
Ani Adornado, ang mga pangolin at marine turtles ay klasipikadong kasama sa mga itinuturing na endangered species ng International Union for Conservation of Nature (IUCN). NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.