Itinakda na ng korte ang ‘arraignment and pre-trial’ ng kaso laban kina Brgy. Kaligayahan, Quezon City Chairman Alfredo “Freddy” Roxas at Admin Assistant Guillermo “Butch” Rosales sa darating Agusto 28, 2024.
Isinampa noong Oktubre 27, 2023 ni Marvin Miranda, dating Kagawad at residente ng Brgy. Kaligayahan, ang kaso sa Office of the Ombudsman laban kina Punong Barangay Roxas, Admin Assistant Rosales at Kagawad Perla Mallari Adea.
Kabilang sa mga kaso ay ang 1) Violation of the R.A. 6713 of Sec. 7 (d), An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees: 2) Violation of Sec. 3 (c) (e) of R.A. 3019, otherwise known as the Anti-Graft and Corrupt Practices Act; 3) Grave Misconduct and 4) Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service arising from the above criminal acts and for Disqualification of Holding Public Office; at 5) With Prayer for Preventive Suspension for a period of six (6) months without pay for each count pursuant to Section 24 of R.A. 6770.
Nag-ugat ang kaso diumano kina Roxas, Rosales at Adea sa Barangay Annual Gender and Development Plan and Budget para sa Brgy. Kaligayahan.
Nadiskubre ni Miranda na si Rosales, bilang Barangay Administrator Assistant ay diumano na gumawa ng solicitation letter na naka-address sa MM Ledesma Laboratories na matatagpuan sa Zabarte extension, Brgy. Kaligayahan.
Sinasabing ginamit ni Rosales sa kanyang solicitation letter ang letterhead ng Brgy. Kaligayahan.
Nakapaloob sa sulat ni Rosales sa MM Ledesma Laboratories na siya umano ay nagre-request ng financial assistance para sa mga premyo ng mga sumali sa Ms. Gay Kaligayahan na ginawa noong Hunyo 17, 2023.
Si Kagawad Adea ay focal person ng GAD na responsable sa program at activities na may kaugnayan sa Ms. Gay Kaligayahan, subalit sa kabila nito ay pinawalan sala siya dahil sa kawalang ebidensiya laban sa kanya.
Kinuwestiyon din ni Miranda na may alokasyong budget ang Barangay Kaligayahan sa event na nagkakahalaga ng P500,000 na pondo sa mga proyektong para sa selebrasyon ng LGBTQ+ Pride Month ay nagawa pang mangalap ng pera pambili ng mga premyo sa pamamagitan ng solicitation letter ni Rosales sa MM Ledesma Laboratories.
Matapos na mapag-aralan ng Office of the Ombudsman ang kaso ay inendorso nito sa Office of the City Prosecutor ng Quezon City para sa patuloy na pagdinig dito.
Nang mapatunayan ng Office of the City Prosecutor na may sapat na basehan ang kaso ay inakyat ito sa korte at napunta sa Metropolitan Trial Court, National Capital Judicial Region Branch 137, Quezon City.
Sa maingat na pag-aaral ng korte sa alegasyon sa impormasyon na inihain noong Hunyo 24, 2024 sa mga dokumentong isinumite, nakitang may basehan (probable cause) para isyuhan ng Warrant of Arrest ang mga akusadong sina Roxas at Rosales.
Nang malaman nila na may warrant of arrest sila ay personal at boluntaryong nagtungo sa korte para maghain ng kanilang piyansang tig-P30,000 bawat isa para sa kanilang pagsamantalang kalayaan.
Nauna rito, tinangkang pigilan ng kampo ni Roxas ang itinakdang ‘arraignment and pre-trial’ ng kaso subalit hindi sila pinagbigyan ng korte.
Dahil dito, tuloy na ang ‘arraignment and pre-trial’ sa kasong Violation of Section 7 (d) of Republic Act No. 6713 otherwise known as, “An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees” laban kina Roxas at Rosales.