KASONG CHILD ABUSE VS DE VERA COUPLE NG CULION USAD KUHOL

ANO po ang nangyayari sa ating bansa, lalo na sa Palawan province, na ang Culion mayor Virgina De Vera at mister niyang si Cesar ay may kasong pag-abuso sa mga bata.

Kabaligtaran pa ng apelyido niyang “De Vera” ang inuugali ng alkalde at asawa nito — kung mapatunayan ng piskalya na totoo ngang sila ay child abuser.

De Vera means “of Faith” o may kaugnayan sa mabuting pagtitiwala sa kapwa, at paghahanap ng katotohanan.

Ayon sa report, nagsimula ang kasong pag-abuso sa isang private group chat sa Messenger na umano, binabardagol o binu-bully ang anak na babae ni Mayor De Vera.

‘Di na natin isusulat kung ano ang laman ng chat ng private group na nangyari noon pang  2018, kung totoo ang balita, isinusulat natin ito, wala pang desisyon ang hukuman sa criminal complaint laban sa mga De Vera.

Totoo man o hindi ang kaso vs sa mag-asawang De Vera, mala­king batik sa pangalan nila.

Imagine, mayor na dapat ang tungkulin ay magsilbi sa mamamayan at magbigay proteksiyon sa mga menor de edad, ina­akusahang child abuser?

Justice delayed is justice denied, ‘yan po ang sinasabi ng batas, at napagkakaitan ng hustisya ang mga nag-aakusang biktima at gayundini sa inaakusahang child abuser!

Aba kung hindi sila totoong nag-abuso o nanakit ng mga bata, dapat ipinamamadali ni Mayor De Vera ang desisyon sa kaso laban sa kanila, pero hindi iyon ang nangyayari, nagtatagal, imagine po, anim (6) na taon na, natutulog pa sa Culion Regional Trial Court (RTC) ang Criminal Case No. CRN-2023-06 na inaakusahan ang mag-asawang Ðe Vera na lumabag sa Sec. 10, Par. (a) ng Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.”

Aba, kapag nagtagal pa ang kaso, malamang mabasura ito, kasi puwedeng ipetisyon ng mag-asawa na dahil sa matagal na ‘di umaksiyon ang korte, ang karapatan nila sa due process of law, by technicality, maaabswelto sila, kahit pa sabihin na malakas ang ebidensiya laban sa kanila.

Yes, may probable cause laban sa kanila, kasi kung hindi malakas ang ebidensiya, ibinasura na ng piskalya ‘yun, pero naisampa ang resolusyon, at dinidinig ng hukuman kaya lamang, nababagoong ang kaso.

Taktika ng magaga­ling na abogado na i-delay nang i-delay ang kaso, saka maghaharap ng petisyon na magmamakaawa sa korte na nalalabag ang mga karapatan ng akusado para sa speedy trial.

Ayon sa report, inutusan ni Mayor De Vera ang mga pulis na arestuhin — kahit walang warrant of arrest mula sa korte — ang dalawang menor de edad na kahit tumutol ang mga magulang ng mga minors, dinala sa presinto.

Ayon pa sa report, sa mismong harap ng mga police officer ng Culion at mga magulang ng mga bata, binubog ng mag-asawa, lalo na si Mr. De Vera ang mga bata, na may hawak na baril.

Iyan ang sinasabi ng mga news at ulat ng pulisya kaya nga naisampa ang kaso.

Bago naisampa ang kaso, ito namang Mayors League ng Palawan at maging ang Sanggunian Panlalawigan, walang report na nagsagawa ng imbestigasyon laban sa mag-asawang De Vera.

Bakit po wala kayong aksiyon mga Honorable Governor, Vice Governor at ang Sangguniang Panlalawigan — takot sa De Vera couple — hindi naman po, siguro.

Totoo rin ba, ayon sa report na may spy sa loob ng Culion Philippine National Police ang mag-asawa na agad na nagpiyansa sa kaso upang makaiwas sa kahihiyan na maposasan at iharap sa korte sa bintang na child abusers?

Kung walang nagsumbong sa mag-asawa na bababaan sila ng warrant of arrest, hindi sila agad didiretso sa RTC para maglagak ng kanilang temporary liberty.

At ito ang masakit: sa mga inabusong bata, pahirap sa kanila ang magbiyahe sa ferry boat mula Culion patungong Coron ng dalawang beses lang sa isang araw ang biyahe para umatend ng pagdinig upang ipagpapaliban lamang pala ito.

Paano ang safety ng mga bata at ang kanilang mga magulang at ang malaking gastos sa  pamasahe, pagkain, at tirahan sa Coron?

Anong klaseng kalupitan ito sa mga menor de edad na sa paglaki nila, mamumulat na ang gobyerno at ang estado na unang tungkulin ay protektahan sila, ang maitatanim sa isip ng mga minors ay inis at galit sa mga taong gobyerno at sa hukuman.

At eto pa, ang mga magulang ng minors, pine-pressure na iurong ang demanda, kapalit ng suhol, alok na magandang trabaho at magandang sahod para iurong ang demanda laban sa mag-asawang De Vera.

May alok pa na bibigyan ng perang pangnegosyo para iatras ang kaso at pumirma sa withdrawal ng complaint sa dahilang nagkaroon kuno ng misunderstanding at pînatawad ang mga akusado.

Pero kahanga-hanga ang mga bata, kasi buo ang loob nila na ituloy ang kaso hanggang sa madesisyunan ng korte kung guilty ba o hindi si Mayor Virginia De Vera at misster nitong si Cesar.

Big issue ito sa Palawan, at sana makatulong ang kolum na ito sa panawagan sa huwes na bilisan ang paghatol sa kaso, kasi nga po, justice delayed is justrice denied.

At baka umabot sa technicality, nakupo dios por santo.

Kaya Honorable Judge, sana po, after 6 years naman, makikita na sa rekord kung ano ang maaaring ihatol nyo sa kaso laban sa mag-asawang de Vera.

Sana maging matuling tulad ng kuneho at hindi usad kuhol ang kasong ito versus De Vera couple.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].