HAWAII, USA – NAHAHARAP sa kasong domestic violence and terroristic threatening ang isang lalaking Filipino na tubong Bacarra, Ilocos Norte.
Ito ay nang kanyang tangkain na saktan ang live-in partner gamit ang kutsilyo.
Nag-ugat umano ito sa hindi nila pagkakaunawaan hanggang sa gumamit ng kutsilyo ang 38-anyos na lalaki at tinangkang saktan ang babae na kaniyang kababayan.
Dahil sa pagkagulat ay agad tumawag ang babae sa 911 at dito na hinuli ng awtoridad ang hindi na pinangalanang Pinoy.
Una rito, hindi na natulog ang mga ito dahil magdamag umanong nag-away sa hindi pa malamang dahilan.
Inaasahan naman na sa susunod na linggo ay haharap ang nasabing lalaki sa korte sa naturang lugar.
Napag-alaman na base sa batas sa Hawaii, sa unang pagkakataon na nakagawa ang isang tao ng ganitong kaso ay makukulong ng 48 na oras o da-lawang araw at sa ikalawang pagkakataon ay makukulong ng 30 araw at pag-aaralin ng gobyerno hinggil sa bagay na makakapag-paunawa ng kanyang isip at para hindi na nito ulitin.
Ang pananakit sa asawa o kasintahan ay malaking kasalanan din sa Estados Unidos. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.