KASONG EXTORTION SA 2 PNP NON-COMMISSIONED OFFICERS

MINDANAO- KINASUHAN ng robbery extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang dalawang police non-commissioned officers na nakatalaga sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa pagkakasangkot sa extortion activities.

Kinilala ni PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Chief BGen. Warren de Leon ang mga kinasuhan na sina Staff Sgt. Mark Anthony Palma at Pat. Gerald Tucas kapwa nakatalaga sa Regional Special Training Unit (RSTU) Bangsamoro Autonomous Region (BAR).

Ayon kay De Leon, dahil sa kanilang internal cleansing program na oplan bansay o bantay sa pagsasanay, nakakuha sila ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad ng dalawang suspek.

Sa halip na maging ehemplo ang dalawang suspek sa kanilang trainees ng Basic Internal Security Operations Course ay gumawa ang mga ito ng iregularidad para magkapera.

Nag-ugat ang kaso makaraang humingi sina Palma at Tucas ng P60,000 mula sa BISOC trainees kapalit ng mas maluwag na training.

Dahil dito, nag-withdraw mula sa kanilang class fund at ibinigay ng BISOC battalion commander at class treasurer ang pera sa dalawang pulis na kung saan tig-P30,000 sila.

Kasunod nito, binalaan ni De Leon ang lahat ng Philippine National Police (PNP) personnel na walang puwang sa pambansang pulisya ang mga tinaguriang police scalawags. VERLIN RUIZ