TAPOS na ang malalimang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), na utos ni Pangulong Duterte, laban sa mga anomalya sa loob ng Philippine Charity Sweepstakes Office, na siyang pinagbasehan ng Punong Ehekutibo upang suspendihin ang pambansang loterya, pati na ang Small Town Lottery at Peryahan ng Bayan noong nagdaang taon.
“Nakapaloob sa rekomendasyon ng NBI ang pagsampa ng kasong graft laban sa mga miyembro ng kasalukuyan at nagdaang board of directors ng PCSO,” pahayag ng isang imbestigador ng NBI na ayaw magpabanggit ng pagkakakilanlan.
Tumanggi rin ang nasabing imbestigador na kilalanin ang mga pinakakasuhang miyembro ng board maliban sa pagsabing “kailangan mailathala sa diyaryo ang aming rekomendasyon upang maiwasang itago ito sa kabatiran ni Pangulong Duterte at ilibing sa limot.”
Ayon sa ayaw magpakilalang NBI prober, nasa kamay na ng Department of Justice ang pagsampa sa korte ng graft and corruption charges at ang pag-uusig sa mga taong nasa likod ng malawakang anomalya sa PCSO kung mapatunayang may basehan sa mga akusasyon.
Matatandaang iniutos ng Pangulo noong Hulyo 2019 ang malalimang pag-imbestiga sa umano’y malawakang katiwalian sa PCSO kasabay ng kanyang kautusang suspendihin ang operasyon ng 6,313 lotto stores, 20,241 STL kiosks kasama ang 190 drawing centers ng mga ito at ang 2,762 na patayaan ng Peryahan ng Bayan.
Ilang linggo matapos maipasara ang mga patayaan ng parehong loteryang lokal at nasyunal ay naunang pinabuksan ni Pangulong Duterte ang national lotto draws na sinundan ng muling pagbubukas ng operasyon ng STL at Peryahan ng Bayan.
“Hanggang sa ngayon ay hindi pa inilalabas ng DOJ, o ng Malakanyang, ang resulta ng aming imbestigasyon maging ang aming rekomendasyon kaya nakikiusap akong mailathala ito sa mga pahayagan upang hindi mahokus-pokus ng mga opisyal na malapit sa mga pinakakasuhan naming PCSO officials,” pagtatapos na pahayag ng NBI prober. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.