KASONG KRIMINAL VS PEKENG LTO ENFORCER

PINAKAKASUHAN ng kasong kriminal ng Land Transportation Office (LTO) ang isang lalaki na nagpanggap na enforcer ng ahensya para mangikil sa mga motorista sa Cubao, Quezon City.

Dahil dito, hinimok ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng biktima ni Jurdinito Rid Macula na makipagtulungan sa mga imbestigador ng Quezon City Police District (QCPD) para palakasin ang mga kasong isasampa laban dito.

Matatandaang bandang alas-9:30 ng gabi nang maaresto si Macula ng isang motorista matapos mapansing tumanggi ang suspek na pakita ang kanyang identification card at hindi mapatunayan na pinapayagan siyang mag-duty sa gabi.

Sinabi umano ni Macula na isa siyang LTO enforcer na nakatalaga sa National Capital Region na nagpahinto sa biktima dahil sa paggamit umano ng hindi awtorisadong side mirror.

Ginawa ni LTO-National Capital Region Regional Director Roque Verzosa III , ang verification sa lahat ng empleyado ng ahensiya at napatunayan na si Macula ay hindi konektado sa LTO.

Kaya’t hinikayat ni Mendoza ang lahat ng motorista na agad na i-report ang anumang pangingikil at iba pang ilegal na aktibidad na ginagawa gamit ang pangalan ng LTO, imposter man o empleyado ng ahensiya.

Ang suspek ay nakakulong ngayon sa QCPD Station 7 at nahaharap sa kasong Usurpation of Authority.
PAULA ANTOLIN