EKSAKTONG limang buwan mula nang sampahan ng kaso ang 10 katao na inaresto ng Cavite Criminal Investigation and Detection Group kaugnay sa vote buying, patuloy pa ring inaabangan ang resolusyon na ilalabas ng Bacoor City Prosecutors Office kaugnay sa nasabing kaso.
Magugunitang Mayo 4, 2019 nang arestuhin sa Barangay Zapote 5 ang mga suspek na sina Teresita Marjes, Irene Morales, Elsie Alano, Jayson Alab, Rex del Rosario, Jose de Leon Ddizon, Gregorio Tamio, Michael Omedes, Joselino Villa at Jowel Sale, kung saan anim sa kanila ay empleyado ng Cavite Provincial Capitol, habang naka-job order naman ang iba pa.
Sinampahan sila ng kasong paglabag sa Sec. 216-A ng Omnibus Election Code kaugnay sa vote buying at kinabukasan ay na-release for further investigation.
Nag-ugat naman dito ang pagsasampa ng disqualification case laban kay Cavite Governor Jonvic Remulla sa Commission on Elections (Comelec) sa Manila kung saan lumutang ang isang witness sa disqualification case at nagbigay ng pahayag sa media.
Bagama’t kinaiinipan ang usad pagong na proseso ng kaso, nakatutok ang sambayanang Caviteño sa magiging resulta ng kaso, na una sa kasaysayan ng Filipinas, kung saan may inaresto sa vote buying at tuluyang nasampahan ng kaso.
Comments are closed.