KASUHAN NA ANG KADAMAY

Magkape Muna Tayo Ulit

HETO na naman ang grupong Kadamay. Sumugod sila nitong linggo sa isang pabahay ng gobyerno sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal. Mahigit na tatlong daan ng mga miyembro ng Kadamay ang sumubok na pasukin ang mga pabahay na hindi pa natitirhan ng mga may-ari ng units doon.

Sa totoo lang, dapat ay arestuhin at kasuhan na ang mga lider ng Ka­damay. Kitang-kita na may malisya ang kanilang pagsubok na okupahin ang nasabing mga pabahay ng gobyerno. Bakit? Susmaryosep. Tiniyempo nila na gawin ang pananakop sa kasagsagan ng ulan. Sa madaling salita, may halong panlilinlang ang ginawa nila dahil alam na mali ito!

Lahat naman tayo ay sang-ayon na mabigyan ng pabahay ang mga mahihirap nating kababayan. Pangarap ito ng bawat pamilya. Mandato naman ang ating pamahalaan para ibigay ang ganitong serbisyo sa ating mga mamamayan.

Kaya itinatag ang National Housing Authority. Sila ang ahensiya na namahala sa pamimigay ng pabahay sa mga mahihirap.

Subalit hindi naman yata tama ang pamamaraan  na ginagawa ng grupo ng Kadamay. Sa totoo lang, nakaisa o si­guro napagbigyan ni Pa­ngulong Duterte nu’ng una nilang ginawa ito.

Marahil ay gawa ito nang kakaupo pa lang niya sa puwesto at hindi pa masyadong malinaw ang mga dapat at legal na solusyon sa suliranin na ito.

Pero hindi na dapat sila mamihasa. Walang libre sa buhay. Ang mga pabahay na iginagawad sa mga mahirap na pamilya ay gumagastos pa rin sa mga bayarin upang iproseso ang kanilang dokumento. Ito ay upang masala nang husto kung sino talaga ang karapat-dapat na magawaran ng pabahay.

Maliban dito ay magbabayad pa rin sila ng amilyar at iba pang mga buwis na obligasyon natin bilang mamamayan ng bansang ito. Maliban pa rito ay kailangan mo pa ring gumastos para sa iyong tubig at kuryente.

Ang ginawa ng Kadamay na tangkang sapilitan na pag-agaw ng mga pabahay ng gobyerno ay mali.

Wala na akong makitang tama o legal na paliwanag dito.

Ang ginagawa ng Ka­damay ay anarkiya. Walang sistema. Walang batas. Walang respeto. Kung gusto nilang makakuha ng pabahay mula sa ating gobyerno, sumunod sila sa mga alinsunod na polisiya at batas.

Dapat ay turuan na ng leksiyon ang mga nasa likod ng grupong ito.

Comments are closed.