ISA ang peanut butter sa palamang hindi nawawala sa kusina ng maraming Filipino. Puwede nga naman itong ipalaman sa tinapay o kaya crackers. Katakam-takam din ito kaya’t kinahihiligan ng bawat Pinoy.
Ngunit, hindi lamang din swak na ipampalaman ang peanut butter dahil maaari rin itong isama sa ilang lutuin gaya na nga lang kare-kare. Higit sa lahat, puwede ka ring gumawa ng mga kakaibang dessert gamit ang nasabing sangkap.
Sa mga mahihilig sa peanut butter at nag-iisip ng iba’t ibang dessert na puwedeng haluan o samahan nito na katatakaman ng bawat tsikiting o pamilya, narito ang ilan sa mga puwede ninyong subukan:
PEANUT BUTTER CUP COOKIES
Bukod nga naman sa peanut butter, isa rin ang cookies sa love na love ng mga bata. Alam na alam ko ‘yan lalo’t gustong-gusto ng anak ko ang cookies. Maya’t maya na nga lang ay hinahanap-hanap ito ng anak ko kaya’t hindi ito puwedeng mawala sa bahay.
Masarap ang cookies at kinahihiligan ng marami kaya naman, marami ang nagbebenta nito. May iba’t iba rin silang bersiyon o technique sa pagluluto nito para maibigan ng marami.
Sa totoo lang, isa ang cookies sa napakadaling lutuin o i-bake at kahit na nasa bahay ka lang, puwedeng-puwede mo itong gawin para sa buong pamilya.
Kaya naman, kung mahilig ang iyong pamilya sa cookies at peanut butter, puwede mong subukan ang Peanut Butter Cup Cookies. Sa sarap nito, tiyak na matutuwa ang mga mahal mo sa buhay.
PEANUT BUTTER PIZZA
Isa pa sa puwedeng subukan bukod sa Peanut Butter Cup Cookies ang Peanut Butter Pizza. Bakit ka pa nga naman bibili ng merienda para sa pamilya kung makagagawa ka naman.
Madali lamang ding gawin ang Peanut Butter Pizza, kakailanganin lang ng sugar cookie dough para sa crust, peanut butter at kaunting sprinkle. Kahit na anong sprinkle ay puwede mong isama sa nasabing dessert. Para rin matuwa ang paghahandaan nito, piliin lang ang mga sprinkle na magugustuhan ng iyong buong pamilya.
Ilan pa sa bersiyon na maaaring gawin ay ang Chocolate Peanut Butter Pizza, Peanut Butter and Jelly Sugar Cookie at ang Banana Peanut Butter Pizza.
PEANUT BUTTER S’MORES
Maaari rin namang subukan ang Peanut Butter S’mores dahil tiyak na magugustuhan ito ng buong pamilya. Mas masarap nga naman kung medyo nagme-melt ang peanut butter habang kinakain ito.
Para naman mag-melt ng bahagya ang peanut butter, maaari itong i-microwave.
Sa mga gusto namang subukan ang Peanut Butter S’mores, ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang peanut butter, graham crackers, milk chocolate candy bars at ang large marshmallow.
Simple lang naman ang paghahanda nito, pahiran lang ang graham crackers ng peanut butter. Pagkatapos ay lagyan ito ng milk chocolate candy bar at marshmallow. I-microwave hanggang sa mag-puff ang marshmallow. Kapag nag-puff na ang marshmallow, lagyan na ito sa ibabaw ng graham crackers.
Ganoon lang kasimple at makapaghahanda ka na ng Peanut Butter S’mores.
Napakarami nga namang puwedeng gawing dessert o pagkain na magugustuhan ng pamilya. Maaari ka rin namang gumawa ng sarili mong dessert o pagkain. Puwede mo ring mapasarap pa ang mga nakalista sa itaas.
Kung mag-iisip nga naman tayo at magiging creative, mapasasaya natin ang ating buong pamilya.
Kaya ano pang hinihintay ninyo, dumiskubre na ng mga lutuing magpapangiti hindi lamang sa buong pamilya kundi maging sa inyong magiging bisita. CT SARIGUMBA
Comments are closed.