(ni CT SARIGUMBA)
BILANG mga ina ng tahanan, hindi tayo tumitigil sa pagdidiskubre o pag-iisip ng mga putaheng maaari nating ihanda sa ating pamilya. Oo, kung mag-iisip tayo ay marami naman talaga tayong maihahanda o mailuluto. Pero siyempre, kailangan din nating isipin kung magugustuhan ba ito ng ating pamilya.
Mahirap nga rin naman iyong naghanda ka ng isang putahe sa mga mahal mo sa buhay at hindi naman nila naibigan o nagustuhan. Sayang naman. Hindi man sadyain ngunit paniguradong sasama ang loob natin.
Hindi naman din kasi puwedeng basta-basta na lang ang ihahanda natin sa ating mga mahal sa buhay. Kailangan din nating isaalang-alang ang hilig nila at gusto.
Pero hindi lang din puro hilig o gusto nila ang itatatak natin sa ating isipan kundi kung mainam ba sa kalusugan ang ihahanda natin sa kanila.
Importanteng napananatili nating malusog at malakas ang kanilang pangangatawan nang makaiwas sila sa nagkalat na sakit sa paligid. Kung mapa-nanatili nating malakas ang resistensiya ng ating buong pamilya, magagampanan nila ng maayos ang kani-kanilang gawain—sa opisina man o sa eskuwelahan.
Kaya naman, isa sa pagkaing puwede nating ihanda sa ating mahal sa buhay ay ang avocado.
Maraming benepisyo ang makukuha sa avocado. Mainam ang nasabing prutas sa puso dahil sa taglay nitong 25 milligrams per ounce ng beta-sitosterol na isang natural plan sterol. At ang regular na pagkonsumo nito ay nakatutulong upang mapanatili ang healthy cholesterol level.
Nakatutulong din ang avocado upang maiwasan ang depression. Mayaman ang avocado sa folate na nakatutulong upang maibsan ang nadaramang depression.
Nakapagpapabuti rin ng digestion ang avocado dahil mataas ang taglay nitong fiber. Nagtataglay rin ng lutein at zeaxanthin kaya’t mainam sa vision ang naturang prutas.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa kabutihang dulot ng avocado. At sa mga nag-iisip ng puwedeng recipe gamit ang avocado, narito ang ilan sa tiyak na magugustuhan ng inyong buong pamilya.
AVOCADO TOAST
Kung wala kang gaanong panahong magluto ng almusal, hindi mo na kailangang mangamba dahil maaaring ihanda ang avocado toast.
Bukod sa healthy ito ay napakasarap pa.
Simpleng-simple lang naman ang paggawa nito sapagkat ipapalit mo lang ang avocado sa regular mong ginagamit na spread.
I-mash lang ang avocado at timplahan ito ng asin, paminta at lemon juice. Haluin lang itong mabuti. Pagkatapos ay mag-toast lang ng tinapay at lagyan ng avocado spread.
Hindi lamang swak pang-almusal ang Avocado toast dahil mainam din itong pang meryenda.
AVOCADO SOUP
Kung mahilig ka naman sa soup, swak namang subukan ang Avocado soup. Puwedeng-puwede gamitin bilang main ingredient sa gagawing soup ang avocado.
Puwede rin namang lagyan ng avocado chunks ang soup na paborito ng buong pamilya para bukod sa madagdagan ang sarap ay makuha pa ang du-lot na benepisyo ng nabanggit na prutas.
AVOCADO FRIES
Marami sa atin ang mahihilig sa fries. Napakasarap nga namang papakin ng fries—may sawsawan man o wala. Kadalasang ginagawang fries ang patatas. Pero kung nag-iisip ka ng kakaiba at mas healthy, puwede mong subukan ang avocado fries. Simple lang ang paggawa nito, hihiwain lang ang avocado sa nais na laki, timplahan saka i-bake.
Puwede rin itong side dish o appetizer.
Mas lalo ring lalabas ang linamnam ng avocado fries kung mayroon kayong dipping sauce gaya ng ketchup, ranch o kahit na anong paborito ng buong pamilya.
AVOCADO SMOOTHIE
Swak na swak ding gawing smoothie ang avocado. Puwede rin itong ihalo sa iba pang prutas na gusto ninyo gaya ng saging at pinya.
Puwede rin namang puro avocado lang, depende sa magugustuhan ninyo.
Hindi lamang din sa tag-init swak ang smoothie, kundi sa kahit na anong panahon.
Hindi kailangang mahal ang ihahanda natin sa ating pamilya. Bukod sa mura lang, isipin din natin kung healthy at masarap ba ito.
Kaya sa mga nag-iisip ng puwedeng ihanda na hindi nakasanayan, subukan ang mga nabanggit na recipe sa itaas. (photos mula sa gimmedeli-cious.com, chocolatecoveredkatie.com at kirbiecravings.com)
Comments are closed.