Ngunit ang pag-aaral ay kagaya rin ng pagtatrabaho na hindi puwedeng pabayaan. Kumbaga, kahit na tamad na tamad kang mag-aral ay kailangan mong pilitin ang iyong sarili. Kailangang gumawa ka ng paraan upang maengganyo ka sa iyong ginagawa.
Hindi naman puwedeng dahil tinatamad kang pumasok, hindi ka na papasok. Iyong isang araw, may malaking kawalan iyan sa isang tao. Parang pagtatrabaho, kapag nawala ka ng isang araw, bukod sa wala kang kikitain, may mga trabahong manganganib o hindi matatapos. Puwede ring maapektuhan pati ang kita ng isang kompanya.
May ibang estudyante na kapag maraming kailangan gawin at dapat na tapusin, sinasalakay na ng katamaran. At dahil hindi maiiwasan ng kahit na sino ang “tamarin” sa ginagawa o pag-aaral, narito ang ilang tips upang malampasan ito:
MAGHANAP NG LUGAR NA KOMPORTABLE
Marami tayong kailangang tapusin. Patong-patong ang assignment o project na kailangan nating maipasa bago mag-deadline. Sumasakit na ang ulo sa kaiisip. Sa rami ng nakatambak na gawain, hindi natin mawari kung ano ang uunahin. Kung ano ang unang pagtutuunan ng pansin.
Talaga nga namang tatamarin ka kapag ganitong kayrami mong kailangang tapusin o gawin tapos gahol ka na sa oras. Pero isa sa paraan para magkagana sa ginagawa o pagtapos ng mga nakaatang na gawain ay ang paghahanap ng isang lugar na tahimik at maganda. Higit sa lahat, sa lugar na magiging komportable ka.
Lahat naman tayo ay may mga lugar na kinahihiligang puntahan na nakapagdudulot sa atin ng relax na pakiramdam at ganang kumilos o tapusin ang ginagawa.
Sa mga panahong tamad na tamad ka, magtungo ka sa lugar na bukod sa makapagbibigay sa iyo ng saya ay magdudulot din sa iyo ng ganang kumilos o makapag-isip.
Sa paborito mong lugar, tiyak na maeengganyo kang gawin ang mga nakaatang sa iyong gawain.
Mainam din kung ang pipiliing lugar ay walang distraction para makapag-focus ka. Tanggalin din ang mga distraction gaya ng cellphone o social media dahil mas lalo ka lang tatamarin.
GUMAWA NG STUDY PLAN O TO-DO LIST
Sa ilan, nagwo-work ang paggawa ng study plan o to-do list. Sa ibang estudyante naman ay hindi. Pero maaari rin naman itong subukan kung hindi mo pa nagagawa. malay mo ay makatulong ito sa iyo.
Marami rin kasi ang gumagawa nito at natutulungan sila ng malaki para matapos ang lahat ng kailangan nilang tapusin o gawin.
Halimbawa na lang ay gumawa ka ng study plan, dahil dito ay malalaman mo kung ano ang mga dapat mong gawin o aralin sa buong araw.
Sa pamamagitan din ng to-do list ay magagawa mo ang lahat ng kailangan mong gawin nang walang nakaliligtaan.
Gawin ding makatotohanan ang paggawa ng to-do list.
Kumbaga, huwag masyadong dadamihan ang ilalagay roon na imposible namang magawa.
Sa to-do list din na gagawin, unahin ang mga importanteng bagay at saka na iyong hindi naman gaanong mahalaga.
HUWAG PAGSASABAY-SABAYIN ANG MGA GAWAIN
Kapag inisip mo nga namang ang lahat ng iyong gagawin sa buong araw, tatamarin tayo lalo na kung sobrang dami at hindi natin mawari kung ano ang uunahin.
Isa pang paraan upang hindi tamarin ay ang paggawa ng mga gawain ng paisa-isa. Huwag pagsasabayin ang mga kailangang tapusin dahil lalo ka lang walang matatapos.
Maiiwasan din ang stress kapag hinati-hati mo ang malalaking task sa mas maliliit.
Kung uunti-untiin mo ang mga kailangan mong gawin, mas mama-manage mo ang iyong oras at magagawa ang mga kailangang tapusin.
MATUTONG BALANSEHIN ANG PAG-AARAL AT SOCIAL LIFE
Hindi rin naman siyempre puwedeng puro lang pag-aaral ang aatupagin natin. Oo nga’t napakahalaga sa isang tao at maging sa kinabukasan nito ang makatapos ng pag-aaral ngunit kailangan din ang social life.
Kumbaga, dapat ding matutunan ng isang estudyante kung papaano niya babalansehin ang mga bagay-bagay—sa pag-aaral, sa pamilya at maging sa kanyang sarili.
DISIPLINA SA SARILI
Wala nang hihigit pa kundi ang disiplina sa sarili. Kailangang mayroon kang disiplina sa sarili nang matapos mo ang gawaing nakaatang sa iyo. Importante rin ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili upang ma-push kang gumalaw kahit na tinatamad ka.
Sa totoo lang, marami tayong dahilan para hindi masimulan o matapos ang isang gawain. Pero hindi makabubuti ang excuses o binubuo mong dahilan. Mas lalo ka lang tatamarin at walang matatapos.
Kaya naman, tigilan na ang kadadahilan at simulan na ang mga gawain.
Tandaan ding bawat sakripisyo ay may magandang kapalit na naghihintay sa hinaharap. CHE SARIGUMBA
Comments are closed.