KATAPANGAN NI BONIFACIO TULARAN – PBBM

HINIMOK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sambayanang Pilipino na tularan ang kabayanihan, katapangan at pagiging makabayan ni Gat Andres Bonifacio na ginunita ang ika-160 kaarawan. 

Sa nasabing okasyon ay ipinaalala ni Pangulong Marcos ang katangian ni Bonifacio na  Ama ng Katipunan at Ama ng Himagsikang Pilipino.

“Ang kaniyang imahe ay nakatatak na sa ating isipan at sumisimbolo sa katapangan ng ating mga ninuno na nanguna sa rebolusyon para sa kalayaan,” bahagi ng mensahe ni Pangulong Marcos na inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa simpleng seremonya na ginanap sa Bonifacio National Monument sa Caloocan City.

Sinabi ng Pangulong Marcos na kahit modernong panahon na ang kasalukuyan, hindi maitatanggi na sinasalamin din nito  ang isang ordinaryong Pilipino.

Kinilala rin ng Pangulo na ang karanasan ni Bonifacio na tumigil sa pag-aaral nang   maulila at  pumasok sa iba’t ibang trabaho para suportahan ang kaniyang sarili at mga kapatid.

Sa madaling salita, si Andres Bonifacio ay isang ordinaryong Pilipino na nangarap at nagpamalas ng kakaibang giting, katatagan, at pamumuno sa oras ng matinding pangangailangan, ayon sa Pangulo na dapat maging inspirasyon ng lahat.

“Sa diwa ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, tayo’y tinatawag hindi lamang na ialay ang ating buhay para sa Inang Bayan, kundi pati na ang pagbuhos ng ating kahusayan, galing, tapang, at oras, upang ang bawat hakbang natin ay maging ilaw ng pag-asa at inspirasyon para sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng Pangulo.

EVELYN QUIROZ