KATAPATAN NI ST. PADRE PIO TULARAN

ST-PADRE-PIO

HINAMON kahapon ng isang Catholic bishop ang mga pari at mga relihiyoso sa bansa na tularan ang kalinisan at katapatang taglay ng hindi naaagnas na puso ni St. Padre Pio, na nakatakdang bumisita sa bansa ngayong Oktubre.

Ito ay ayon kay San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng Episcopal Commission on the Clergy (ECC), ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kaugnay ng nalalapit na pagbisita ng hindi naaagnas na puso ni St. Padre Pio sa Filipinas sa Oktubre.

Sinabi ni Famadico na naranasan ni Padre Pio ang mismong sugat ni Hesus at nakibahagi ito sa kanyang paghihirap na patunay na sa bawat pagsubok na kinakaharap ng mga pari, relihiyoso at relihiyosa ay kasama ang Diyos.

“Katulad ni Padre Pio ay manatili po tayong tapat sa kabila ng mga puwedeng suffering that we are experiencing sapagkat si Padre Pio pinagkatiwalaan ni Hesus na ‘yung kanyang mga sugat ay maranasan din ni Padre Pio kaya sa kabila ng mga kahirapan at mga pasakit sa katawan ay ginawa pa n’yang daan upang s’ya ay mapalapit sa Diyos kaya kung ano man ang nararanasan na­ting kahirapan ay makikita natin doon si Hesus,” ani Famadico, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Dagdag pa ng Obispo, dumalaw man o hindi ang heart relic ng santo sa bansa ay kinakailangang mapag-ibayo ng mga pari at mga relihiyoso ang kanilang pag-ibig at katapatan sa sinumpaang tungkulin sa Diyos.

Umaasa naman si Famadico na ang bawat isa ay magiging instrumento upang si Hesus ay tunay na maranasan ng lahat ng mga mananampa­lataya lalo’t higit sa mga suliraning kinakaharap ng lipunan at ng simbahan sa kasalukuyan.

Una nang inianunsiyo ng mga opisyal ng CBCP na darating sa bansa ang heart relic ni St. Padre Pio sa Oktubre 5 ng gabi at inaasahang mananatili ito sa bansa hanggang sa Oktubre 26.

Sa Setyembre 20 ay gugunitain ng simbahan ang ika-100 taon ng stigmata ni Padre Pio, habang ang ika-50 anibersaryo ng kanyang kamatayan ay gugunitain naman sa Setyembre 23. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.