KATARUNGAN DESK BUKAS NA

Greco Belgica

MAYNILA – MAGKAKAROON na ng mabilis at epektibong sandigan ang publiko laban sa mga tiwali sa pamahalaan kasunod ng pormal na pagbubukas ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ng “Katarungan Desk” na isa sa programa ng gob­yerno para labanan ang korupsiyon.

Bilang kinatawan ni Manila Mayor Isko Moreno, pinangunahan nina Vice Mayor Honey Lacuna at PACC Commissioner Greco Belgica ang ribbon cutting o pormal na pagbubukas sa nasabing programa at ng katarungan desk.

Ayon kay Belgica, sa lahat ng local government units (LGUs) sa buong bansa ay sa Lungsod ng Maynila nito unang inilunsad ang programa dahil siya ay nagsimula sa Maynila, isa ring Manilenyon at nais nitong paglingkuran at matulungan ang mga taga-lungsod.

Dagdag pa niya, ipapakalat ang Katarungan desk sa iba’t ibang lugar kung saan maglalagay ng “drop box” upang hika­yatin ang publiko na isumbong sa ahensya ang mga nakikitang katiwalian sa pamahalaan.

Kabilang dito ang LRT, barangay hall, istas­yon ng pulis, MRT, at Philippine National Railways at ma­ging sa City Hall mismo.

Layon aniya ng Katarungan desk na agad maiparating ang mga rek­lamo ng sambayanan sa kanilang opisina.

Tatauhan, o magbaban­tay naman ang mga pulis sa buong bansa sa naturang desk at ang lahat nang report at sumbong na naaksiyunan weekly ay dapat ring maipasa sa PACC.

Tiniyak naman ni Belgica na anumang reklamo o impormasyon na kanilang matatanggap ay mananatiling “confidential” at isa-sailalim sa beripikasyon at imbestigasyon, maging ang mga nagsumbong rito.

Ang mabubuong rekomendasyon ay isusumite sa Office of the President, para sa kaukulang aksiyon. PAUL ROLDAN

Comments are closed.