KATATAGAN NG PINOY

VIRAL kahapon ang isang evacuation center  sa Gonzaga, Cagayan na isa sa matinding sinalanta ng magkasunod na bagyong Marce at Ofel.

Subalit hindi sa nakakakilabot at nakakalungkot na eksena kundi  nagpapagaan ng loob.

Ito ay ang pagbirit ng Ilocano song ng isang batang lalaki sa saliw na kilalang awitin na “Baleleng:.

Sa pag-awit ng bata, nagkaroon ng saya sa loob ng evacuation center at pansamantalang nakalimutan ng mga evacuee ang kanilang alalahanin gaya ng hirap sa pagtulog dahil tabi-tabi, kung ano ang kakainin, at mga naiwang tahanan at kabuhayan.

Sadyang  madaling gumawa ng saya ang mga Pinoy kahit pa nasa gitna ng kalungkutan, pagsubok at hamon.

Resiliency ang tamang tawag sa katangian ng Pinoy.

Ilang beses nang napatunayan ang pagiging matatag ng Pinoy  sa gitna ng mga problemang kinaharap.

Buhay na halimbawa ay noong Covid-19 pandemic na kahit nagsara ang buong mundo ay nakagawa pa rin ng paraan para magpatuloy ang buhay.

Sa katunayan, marami ang natutong magnegosyo kahit hindi nagkikita.

At ngayon may malaking banta ang kalamidad, naniniwala ka­ming anuman ang dumating ka­yang labanan ang anumang hamon at pagsubok.