TIWALA si Senador Panfilo Lacson na mababawasan ang katiwalian sa Philippine National Police (PNP) o mawawala na ang mga kotong cops kapag ipinatupad na sa Enero 2019 ang pagtataas ng sahod sa mga pulis.
Umaasa ang senador na magiging epektibo ang pagtataas ng sahod at mga benipisyo sa mga pulis dahil na rin sa political will ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya naisakatuparan ito sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Aniya, wala nang dahilan para magloko pa ang mga pulis dahil naibigay na lahat ng Pangulo ang nararapat para maging matino at tapat sila sa kanilang mandato para sa bayan at kapayapaan.
Sa kabila nito, hindi pa rin maiaalis ang pangamba ni Lacson na may ilan pa rin sa hanay ng mga pulis ang gahaman sa kapangyarihan at sa limpak-limpak na salapi na kikitain sa katiwalian kahit naibigay na ang lahat ng Pangulo para magbago ang mga ito.
Inihalimbawa pa ni Lacson ang ilang mga opisyal ng PNP na ang iba ay retirado na kung saan pinag-aral ng bayan sa pamamagitan ng PMA at PNPA kapalit ng malalaking suweldo at benipisyo subalit nagnakaw pa rin sa kaban ng bayan at kung minsan maging ang meal allowances ng mga pulis ay binubulsa pa ng ilang tiwaling opisyal.
VICKY CERVALES
Comments are closed.