KATRINA HALILI MABAIT AT MAHINHIN SA BAGONG PELIKULA SA ‘TOFARM’

KAKAIBANG hamon para kay Katrina Halili ang kanyang role sa pelikulang “Mga Anak ng Kamote” nithe point Carlo Encisu Catu na siyang nag-direk ng acclaimed 2018 Cine­malaya movie na “Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon”.

“Kuwento ito ng alaala kung paano hinahabol ng mga may kapangyarihan ang katotohanan sa mga taong nakakalimot,” sey ni Katrina.

“May isang event kasi rito na kumain iyong mga tao ng kamote, pagkatapos iyong iba, tumalon sa building or whatever, iyong iba nagpakamatay so, ipinagbawal ng gobyerno ang pagtatanim ng kamote,” dugtong niya.

First time din daw niyang magbida sa isang futuristic drama kung saan hindi siya nagpaseksi.

“Iyon na nga ang pagkakaiba. Medyo, wala siya sa expectations ko. Noong binasa ko nga iyong iskrip, wala siyang masyadong lines, pero okey siya, maganda siya. Pokus sa iyo ang story ganyan at malalim talaga ang story,” hirit niya.

Tiyak na maninibago rin daw ang mga mano­nood sa kanya na nasanay na panoorin siya bilang kontrabida sa mga teleserye o sa mga glamorosang role.

“Initiman nila ako rito. Ang itim ko, super itim. Pati ang buhok ko, ayaw nila itirintas ko. Tapos noong ginagawa ko pa ito, halos wala akong tulog kasi nilalagare ko siya with “The Stepdaughters”, paglalarawan niya.

Ibang-iba rin daw ang karakter niya na salungat sa imaheng natatak sa kanya sa mga teleserye.

“Mahinhin siya pero makimkim at tahimik lang. Iyong struggle niya ay internal. Hindi siya mabilis na magalit. Sa movie, ipakikita iyong nasa ng loob ng katahimikan at kung ano ang puwede niyang magawa, pero hindi siya maldita,” aniya.

Aminado rin siyang nanibago siya sa muling pagsalang niya sa indie films lalo na’t  bida ang role niya rito.

“Sa indie kasi, five times ang bagal. Sa TV, sanay ako na malaki ang movements  at mas malaki ang boses. Dito tahimik lang siya, nasa loob ang kulo, nasa loob ang sakit,” bulalas niya.

Nakaka-relate din daw siya sa kanyang role dahil may pagkakahawig daw ito sa karakter niya sa tunay na buhay.

“Feeling ko, may part ako na tulad niya. May part ako na hindi rin masalita o masabi ang feelings ko kapag may ginawa sa akin, kimkim ko lang. At mas masakit iyon, kapag hindi mo nailalabas,” sey niya.

Speaking of her lovelife, happy raw siya kahit wala siyang bagong lala­keng karelasyon sa ngayon.

“Feeling ko, parang napagsawaan ko na sila. Gusto ko, trabaho muna at ipon-ipon muna para sa anak ko,” pahayag niya.

Gayunpaman, nilinaw niya na wala siyang trauma pagdating sa pakikipagrelasyon. Masaya rin niyang ibinalita na okey na sila ng kanyang ex at magaling na singer  na si Kris Lawrence na ama ng kanyang anak na si Katie.

“Ayoko rin namang ipagdamot sa anak ko ang tatay niya. ‘Pag may free time, pumupunta siya three times a week sa bahay lalo na kung busy ako sa taping ko. Siya iyong tumitingin kay Katie,” aniya.

Hirit pa niya, naiintindihan din daw ni Katie ang kanilang set up ni Kris.

“Matalinong bata si Katie. Bata pa lang, alam na niya ang set up namin ni Kris. Kung bakit kami hindi magkasama,” ani Katrina.

Nilinaw din ni Katrina ang balitang hindi nagsusustento si Kris sa kanilang anak.

“Nagsusustento naman. Dati kasi, may miscommunication kami, so hindi siya pumupunta. So, noong dumating ang Mama niya, nag-usap kami,” espli­ka niya.

Kabituin ni Katrina sa “Ang Mga Anak ng Kamote” sina Alex Vincent Medina, Kiko Matos at Carl Guevara.

Comments are closed.