PUMAYAG na si Katrina Halili na tumanggap ng manliligaw o makipag-date matapos ang anim na taon nang hiwalay sila ng ama ng kanyang anak na si Katie. Pero ang ikinagulat ng mga kaibigan ng sexy actress ay group date daw ang gusto at ayaw niya ng one-on-one date.
Hindi raw kasi siya ang tipo ng babae na pipilitin ang sarili na kausapin ang ka-date, lalo na kung hindi siya interesado at hindi niya type ang guy. Kung kasama niya ang kanyang mga kaibigan ay may kakausap sa manliligaw para hindi ito ma-out of place.
Isa pa kaya siya napapayag na tumanggap na ng manliligaw ay dahil sa kakukulit sa kanya ng mga kaibigan na lumabas ng lungga at hindi ‘yung nasa bahay lang lagi kaya hindi nasisilayan ang kanyang kagandahan at kaseksihan.
Kontento na kasi si Katrina sa buhay bilang isang simpleng babae na mahilig magluto, mag-thread mill, mag-alaga ng kanyang anak at alagaan ang kanyang mga kamag-anak na nasa kanyang poder.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin maintindihan ni Katrina kung bakit hindi siya atat na magka-boyfriend. Kontento na sa buhay na kasama ang anak at magluto.
Kung hindi pa nga raw ni-renew ng GMA 7 ang kanyang kontrata ay balak na niyang magretiro sa showbiz, mamuhay ng simple at magtayo ng business. Pero ni-renew ng two years contract kaya nabago ang desisyon at harapin ang bagong hamon sa buhay.
MICHELLE MADRIGAL NAGHIRAP SA AMERICA
HINDI lahat ng mga celebrity na nagpunta at nanirahan sa America ay maganda ang naging buhay. Karamihan sa kanila ay naghirap at dumanas pa ng depression.
Tulad ni Michelle Madrigal na naninirahan ngayon sa America. Hindi biro ang hirap na dinanas niya bago nakapamuhay ng maganda sa piling ng anak at asawa.
Ayon kay Michelle, dumaan siya sa maraming pagsubok bago siya naging isang mother at business woman.
Naging mabigat sa kanya nang talikuran niya ang showbiz at manirahan sa ibang bansa, pero dahil ‘di nakatapos ng pag-aaral ay naging mahirap sa kanya ang makahanap ng trabaho. Nagkaroon ng bisyo sa pag-inom ng alak.
“I was working 2 jobs a day just to get by (pay rent, food, mortgage in Manila, bills, etc). I was only making $1,700 a month. I was broke, living pay check to pay check so I abused my body by turning to alcohol and partying to forget my problems. I was running away from them!” post ni Michelle sa kanyang Instagram
Nang mabuntis daw siya sa boyfriend na si Troy Woolfolk ay wala na siyang career sa ating bansa at nahirapan siyang makahanap ng trabaho dahil wala siyang college degree.
Pero bigla raw nagbago ang lahat nang maging wellness coach siya sa Austin, Texas.
“An amazing opportunity knocked on our door. It`s something that fits my lifestyle and the purpose I was longing for.
“Only few months into the game and I already doubled my monthly salary and the best part about it, I get to work anywhere in my own terms and can take care of my daughter,” say pa ni Michelle.
Isinawalat niya ang mga dinanas na hirap sa Tate para raw maging inspiration sa mga tulad niyang mother na nag-struggle financially, physically and emotionally.
WILLIE REVILLAME NABUKO NA GINAGAMIT ANG KANYANG SHOW PARA MAGKAPERA
NGAYON lang nabuko ni Willie Revillame na ginagamit ng isang tao ang kanyang show para magkapera.
Nabuko lang ni Willie boy ang ginagawang raket sa kanyang Wowowin show nang may contestant na nagsabi sa kanya na hindi nila kilala ang isa`t isa na binubuo ng isang grupong maglalaro sa game ng show.
May isang lider-lideran daw na tinitipon ang mga tao na hindi magkakakilala at aasta na magkakasama silang naninirahan sa isang lugar, na maglalaro sa show ni Willie boy.
Pagkatapos na makabuo ng isang grupo na aastang magkakasama ay iipunin ang lahat ng perang napanalunan at kukunin muna ng tumayong lider ang kanyang komisyon at saka paghahatian ang natirang pera ng mga nagsipaglaro sa show.
Ang siste ay matagal nang nagaganap ang ganitong raket na ginagamit ang show ni Wllie ng taong tumatayong lider para pagkaperahan.
Comments are closed.