KATULONG TUMBA SA MOTORSIKLO, 2 SUGATAN

Motorsiklo

CALOOCAN CITY – DEAD on arrival sa pagamutan ang isang 48-anyos na housemaid matapos na mabundol ng isang motorsiklo habang naglalakad  sa kalsada  dalawa naman ang  sugatan, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ay kinilalang si Capitolina Bejerano ng 3030 Abbey Road II, Brgy. 73, habang ang dalawang angkas ng motorsiklo na minamaneho ni Jomar Arresgado, 19, ay nagtamo rin ng mga sugat sa kanilang katawan at ginagamot din sa naturang ospital.

Kinilala ang dalawang sugatan na si Robert Ylanan, 23, at Romualdo Zabala, 19, kapwa bakery helper ng Barangay 74.

Sa natanggap na report ni Caloocan police chief P/Col. Noel Flores, alas-4:20 ng madaling araw, mabilis ang patakbo ni Arresgado sa minamaneho nitong Honda motorcycle (NA-88193) habang tinatahak ang kahabaan ng Heroes Del 96 St, Brgy. 73, angkas si Ylanan at Zabala nang masagi nito ang isang nakaparadang tricycle sa gilid ng kalsada.

Sa lakas ng impact, nawalan ng control si Arresgado hanggang sa mabundol ng motorsiklo ang biktima na naglalakad pauwi.

Kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, damage to properties at paglabag sa R.A 4136 (Land Transportation and Traffic Code) ang isinampa ng pulisya kontra kay Arresgado sa Caloocan City Prosecutor’s Office. EVELYN GARCIA