KATUNGGALI NI BBM MALABO NANG MAKAHABOL SA PRESIDENTIAL RACE

SINABI ng survey firm na Pulse Asia Research, Inc. na ang tanging paraan para makahabol ang mga katunggali ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay kung sumadsad ng malaki ang kanyang numero, pero mukhang malabo itong mangyari.

Simula 1992, hindi pa pumapalya ang Pulse Asia sa kanilang mga prediction kung sino ang mananalo sa mga pampanguluhang halalan.

Sa panayam sa ANC nitong Martes, nilinaw ni Pulse Asia executive director Ana Tabunda na bagama’t hindi pa rin masasabi na sigurado na ang panalo ni Marcos, iginiit niya na kung nasa limang porsyento na lang ang lamang ni Marcos sa mga kalaban ay malamang may tsansa pa ang mga ito na makahabol.

Pero sa pinakahuling survey ng Pulse Asia nitong Pebrero 18-23, lumalabas na 45 porsyento ang lamang niya sa kanyang pinakamalapit na katunggali matapos siyang makakuha ng 60 porsyentong voter preference.

Nasa malayong pangalawa si Leni Robredo na nakakuha lamang ng 15 porsyento, sinundan ni Isko Domagoso sa 10 porsyento, Manny Pacquiao sa walong porsyento at Ping Lacson sa dalawang porsyento.

Lumabas din sa survey ang patuloy na solidong numero ni Marcos sa lahat ng “major voting areas” at kapansin-pansin na mas tumaas pa ang mga bilang nito sa maraming mga lugar.

Sa National Capital Region (NCR), nakakuha siya ng 66 porsyentong voter preference, o mas mataas ng siyam na porsyento mula sa kanyang 57 porsyento nitong nakaraang Enero.

Ang 68 porsyento ni Marcos sa Mindanao ay tumaas din ng dalawang porsyento mula sa kanyang 66 porsyentong nakuha nitong Enero.

Nananatili ring matatag ang mga numero ni Marcos sa ibang lugar tulad ng Balanced Luzon na mayroong 58 porsyento at Mindanao, 53 porsyento.

Iginiit naman ng Pulse Asia na bagama’t malayo na ang numero ni Marcos at halos imposible  nang makahabol ang mga katunggali nito, pero ang desisyon pa rin ay sa mismong halalan sa Mayo 9.

“It’s not impossible but the margin is too huge,” ani Tabunda.

“Statistically speaking if they are only five percentage points away from him … that would be easier to overtake him.  It’s not impossible but the probability is not large.  The probability of that happening is not large,” dagdag pa ni Tabunda.

Para makahabol ang mga kalaban ni Marcos, kailangan itong bumagsak ng 20 porsyento sa mga susunod na survey.

“If he drops 20 points, the others will get those 20 points, so they will have a better chance,” Tabunda pointed out.

Ayon pa kay Tabunda, sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng Pulse Asia na mayroong “majority percentage” ang respondents sa iisa lamang kandidato, na nagkukumpirma na malaking bilang ng Filipino ang pumapabor sa kanya.

Pinansin pa ni Tabunda na ang lamang ngayon ni Marcos ay mahigit doble sa lamang noon ni President Duterte sa kanyang pinakamalapit na katunggali noong 2016 elections, kung saan nakakuha si Duterte ng 39.4 porsyento kumpara sa 21.8 porsyento ni Grace Poe noong April 2016.

Nananitili namang matatag ang tinaguriang “Solid North” voting bloc para kay Marcos at tila hindi naapektuhan sa mga pahayag ng kampo ni Robredo na nabubuwag na ang tinaguriang “Solid North.”

Nakakuha si Marcos ng 74 porsyento sa CAR, 82 porsyento sa Region 1, at 86 porysento sa Region 2.

Si Robredo ay mayroon lamang isang porsyento sa CAR, pitong porsyento sa Region 1, at anim na porsyento sa Region 2, malinaw na malayong-malayo ang kanyang numero sa mga lugar na kinabibilangan ng tinaguirang “Solid North.”

Lumabas din sa resulta ng survey na nananaig ang boses ng taumbayan laban sa negatibong pangangampanya at batuhan ng putik laban kay Marcos.