(Nerza kampeon sa 2019 National MILO Marathon Manila elims)
BINIGYAN ni Anthony Nerza ang kanyang sarili ng maagang birthday gift nang pagharian ang 2019 National MILO Marathon Manila elimination at itala ang kanyang pangalan bilang unang Davao runner na taga-Digos na nagwagi sa ‘biggest, longest at grandest’ running event sa bansa na unang idinaos noong 1974.
Si Nerza ay magdiriwang ng kanyang ika-30 kaarawan sa Agosto 4.
Armado ng nagpupuyos na determinasyon, dedikasyon, katatagan at pagnanais na manalo sa kabila na limitado ang ensayo, tinalo ni Nerza ang mga katunggali sa umagang hindi nagpakita ang haring araw sa bilis na 2 hours, 32 minutes and 50 seconds.
Tumakbo sa kalkuladong karera, sumabay si Nerza sa mga kalaban at kumalas sa huling apat na kilometro, at ipinoste ang impresibong panalo. Kabilang sa mga tinalo ni Nerza si dating MILO Marathon champion at Southeast Asian Games veteran Jeson Agravante na dumating na pangatlo sa oras na 2:38.48, sa likod ni second placer Richeel Languido na nagtala ng 2:36.43.
Pumang-apat si Salvador Polillo sa oras na 3:05.35, kasunod sina Anthony Pailuga, 3:05.56; Rogelio Sarmiento, 3:10.37; Eldin Magtoto, 3:11.00; Jeffrey Galicio, 3:11.38; Juan Basilio Salang, 3:12.49; at Jay Arevalo na nagtala ng 3:12.54.
Naibulsa ni Nerza ang P50,000 cash prize at handcrafted glass trophy.
“Na-surprise ako sa panalo. Hindi ko akalain na mnaanalo ako dahil malalakas ang mga kalaban. Determination at will to win ang nagdala sa akin sa tagumpay,” masayang pahayag ni Nerza.
“Limitado ang training ko. Pinilit ko lang at determinado akong manalo dahil ayaw kong mabigo. Mahirap tumakbo sa 42K kapag kulang sa ensayo. Nagpapasalamat ako at nanalo ako, nalampasan ko lahat ang pagsubok at obstacles,” sabi pa ng kampeon.
“Wala na akong mahihingi pa, natupad ko na ang aking pangarap na manalo sa prestigious MILO Marathon. Mayroon na akong ipagmamalaki sa aking mga kababayan sa Digos at sa barangay namin sa Kapatagan sa panalo ko sa MILO,” dagdag pa niya.
Makalipas ang isang oras ay sinungkit ni Christine Hallasgo, isang housewife at ina ng isang 3-anyos na babae, ang korona sa women’s division sa oras na 3:06.28.
Magaan na nadominahan ni Hallasgo ang karera at pinatunayang siya ang ‘undisputed queen’ sa Metro Manila.
Tinalo niya sina April Rose Diaz na tumapos sa 3:15.05 at third placer Maricar Camacho na naorasan ng 3:26.03.
“Naghanda ako at sinunod ko ang regimen at diet ko. Iniwasan ko ‘yung fatty foods at hindi ako umiinom ng softdrinks kundi MILO lamang na malaki ang naitutulong sa career ko sa long distance running,” sabi ni Hallasgo.
Sinabi ni MILO executive Lester Castillo na ang pangunahing adbokasiya ng MILO ay ang isulong ang marathon sa mas mataas na antas ng kahusayan at makapagprodyus ng dekalidad na runners para sa international competitions sa hinaharap tulad ng Southeast Asian Games na gagawin sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
“Milo always thrives for excellence in the field of long distance running. I am positive and pretty optimistic young promising runners will surface as part of the company’s advocacy in nation building,” pahayag ni Castillo sa post marathon press conference na dinaluhan ni dating marathoner at race organizer Rio de la Cruz. CLYDE MARIANO