KATUTUBONG WIKA, ITANGHAL MO

KWF-2

TINATAWAGAN ang mga iskolar at mananaliksik ng mga katutubong wika na magsumite  ng mga panukalang saliksik sa proyektong KWF Lingguwistikong Etnograpiya. Ang mga matatanggap na panukalang saliksik ay maaaring magawaran ng grant na hanggang anim na daang libong piso (PHP600,000).

Bukás ang grant sa indibidwal o grupo ng mananaliksik, o sa institusyon na nagnanais magsagawa ng pag-aaral sa mga katutubong wika ng Filipinas.

Etnograpiya ang paraan ng pananaliksik na gagamitin sa pagdodokumento ng iba’t ibang aspekto ng wika at kultura, gaya sa relihiyon, kalusugan, kabuhayan, pamayanan, pamilya, pamamahala, edukasyon, at panitikan.

Layon ng programang KWF Lingguwistikong Etnograpiya na magtipon at maglathala ng mga komprehensibo at napapanahong saliksik ukol sa mga katutubong wika ng Filipinas.

Sinimulan ang programa noong 2015 sa pakikipagtulungan sa Opisina ni Senadora Loren B. Legarda. Nakapagdokumento na ito ng 40 katutubong wika. Target naman na makapagdokumento ng 30 na katutubong wika para sa taóng 2019.

“Ito ang pinakamalaking research grant na iginagawad ng KWF,” paliwanag ni Virgilio S. Almario, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA). “Inilalaan ng KWF ang malaking porsiyento ng pondo ng ahensiya para sa mga programa sa pagpapasigla at pagdodokumento ng iba’t ibang katutubong wika ng Filipinas. Pagtupad ito ng KWF sa tungkuling pangalagaan ang lahat ng mga katutubong wika.”

Bahagi ang Lingguwistikong Etnograpiya ng malawakang programa ng KWF para sa pangangalaga ng mga katutubong wika. Ipinroklama ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) ang 2019 bilang International Year of Indigenous Languages.

Pinagtibay ng KWF sa Kapasiyahan ng Kalupunan Blg. 18-31 ang pagpapaigting ng mga programa at proyekto para sa mga katutubong wika ng Filipinas.

Sa 15 Pebrero 2019 ang huling araw ng pagsusumite ng mga panukalang saliksik.

Maaaring ipadala ang mga aplikasyon sa [email protected] at/o sa Lupon sa Lingguwistikong Etnograpiya Komisyon sa Wikang Filipino 2P Gusali Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel, 1005 San Miguel, Maynila.

Para sa mga form at iba pang detalye ng grant, magtungo sa www.kwf.gov.ph o makipag-ugnayan kay G. Jay-mar Luza ng Sangay ng Salita at Gramatika sa telepono blg. (02) 243-9855.

Comments are closed.