ANG “Bahala na” ay isang socio-cultural value sa Pilipinas. Napakapopular nito sa lahat ng Filipino. Kung Filipino ka, hindi sasampung beses mong nasabi ito, sigurado ako dyan. Masyado kasi itong naaabuso bilang default answer kung hindi mo na alam ang gagawin o isasagot. Ano ba talaga ang ibig sabihin nito at bakit lagi nating nasasambit?
“Bahala na” kung hindi tayo makapagdesisyon kung ano ang susunod nating course of action o kung wala tayong ideya kung ano ang susunod na mangyayari. Sa madaling sabi, patangay na lamang sa agos, at okay lang kung anuman ang maging outcome.
Walang direct translation nito sa English. Siguro, ang pinakamalapit na translasyon nito ay ang Spanish phrase na que sera sera, na sa English naman ay “whatever will be, will be.”
Actually, nakuha ang salitang bahala sa Bathala, ang Diyos ng Katagalugan sa mitolohiyang Filipino bago dumating ang mga Kastila. Ito’y singkahulugan ng “Bathala na” o si Bathala na ang gagawa ng paraan, tulad ng Islamic term na Inshallah, o “God willing” o “if Allah wills.” In other words, fatalistic ang bahala na. Diyos na o Bathala na – na nagpapakita ng tendency ng mga Filipino na buong pagpapakumbabang ibigay sa Diyos ang pagpapasiya sa kanyang buhay. Kung pakalilimiin, wala namang masama sa pagkilala sa kapangyarihan ng Diyos. Pero, sabi ng ibang iskolar, negatibo ito na masyadong fatalistic submission o pag-iwas sa responsibilidad. Katwiran ito ng mga tamad na taong gustong takas an ang kanilang responsibilidad.
Pwede ring ang “Bahala na” ay pagtanggap ng kawalan ng internal focus of control, na nangangahulugang wala silang bilib sa kanilang sarili.
Sabi naman ng ibang iskolar, may positibong punto rin ang “Bahala na.” sa halip na katamaran o fatalistic approach sa mga problema, pwede rin itong bigyan ng kahulugan na pagkakaroon ng determinasyon at willingness to take risks. Hindi raw ito pagiging passive, kundi isang mantra na nagbibigay ng lakas. Kapag sinabing “Bahala na,” pinalalakas niya ang kanyang loob na sabihin sa kanyang sariling handa siyang humarap sa hamon ng buhay. Pagdedeklara rin ito ng tiwalang makagagawa siya ng solusyon kapag dumating na ang problema.
Ang sigurado lang, walang tama o maling interpretasyon sa “Bahala na.” In the end, subjective ang kahulugan nito, depende kung sino ang nagsabi, kaya pwedeng ito ay masama at pwede ring mabuti. JAYZL VILLAFANIA NEBRE