NAGSAGAWA ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kanilang imbestigasyon sa pagka-kadawit ng pangalan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde sa operasyon ng mga tinaguriang ‘ninja cops’ bago ito magretiro sa Nobyembre 8.
Ito ang kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año matapos na makauwi mula sa Russia kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, iniimbestigahan nila ang pagkakasangkot ng PNP chief sa drug recycling issue at posibleng ilabas ang resulta ng kanilang probe bago magretiro si Albayalde.
Nilinaw ni Sec. Año na aantabayanan muna nila ang magiging resulta ng pagdinig ng senado hinggil sa ninja cops bago maglabas ng kaninang rekomendasyon.
Aminado si Año na kailangan ng matibay na ebidensya na mag-uugnay kay Albayalde sa isyu ng ‘ninja cops’ para idiin ito sa naturang usapin.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipauubaya niya sa DILG ang pagpapasya sa kaso ni Albayalde at anumang rekomendasyon ay handa niyang aprubahan.
Kaugnay nito, nakahanda naman si Albayalde na humarap sa imbestigasyon ng DILG para linisin ang kaniyang pangalan.
Ayon kay Albayalde, ito ay upang maiwasan nang makaladkad pa sa kahihiyan at mabato ng mga akusasyon ang buong PNP.
Nagpasalamat din si Albayalde kina Pangulong Duterte at Año dahil pinagbigyan siyang malinis ang kaniyang pangalan sa isang patas na imbestigasyon.
Si Albayalde ay nakatakdang magretiro sa darating na buwan ng Nobyembre.
Sinasabing politika at umiiral na power struggle sa hanay ng kapulisan kaugnay sa nakatakdang pagpapalit ng PNP chief ang paglutang ng mga kaso ng ninja cops.
Kabilang sa mga matunog na pangalang hahalili kay Albayalde ay sina PNP-National Capital Region Police Office chief, Maj. Gen Guillermo Eleazar ng PMA Class 87; P/Ltgen Archie Gamboa, ang deputy chief for operations ng PNP; Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, ang chief of Directorial Staff na kapwa miyembro ng PMA Class 86; at classmate ni Albayalde. VERLIN RUIZ
Comments are closed.