ANG nangyari nitong Lunes nang humarap mismo ang Speaker ng Kamara de Representante at nagsalita sa plenary session ng Senado ay maituturing na kauna-unahang naganap sa kasaysayan ng Kongreso.
Isinantabi ni Speaker Alan Peter Cayetano ang lahat ng klaseng protocol at interparliamentary courtesy para siya na mismo ang magpaliwanag sa mga isyung inungkat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon laban sa mga paghahandang ginawa ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) para sa pagho-host ng Filipinas ng 30th SEA Games simula Nobyembre 30. Si Cayetano ang tinalaga ng Pangulong Duterte bilang chairman ng PHISGOC.
Puwede namang gawing excuse ni Cayetano ang legislative protocol at interparliamentary courtesy para hindi humarap sa Senado. Pero minabuti niyang pumunta sa plenary session ng Senado dahil ika nga n’ya ay ayaw niyang magkaroon pa ng agam-agam at ma-demoralize ang ating mga atleta at ang mga tumulong para sa paghahanda sa SEA Games. Kailangang maituwid ang lahat ng isyu na inungkat ni Drilon at maipakita sa publiko na walang dapat ikabahala sa ginawang paggastos ng pondo para sa SEA Games.
Lahat ng tanong na ibinato ni Drilon sa kanya ay nasagot nang malinaw at maayos ni Cayetano. ‘Yung tungkol naman sa sinasabi ni Drilon na mamahaling kaldero raw para sa SEA Games ay hindi na niya halos inungkat sa kanyang pagtatanong.
Kung gastos din lang ang pag-uusapan, hindi naman itinatanggi ni Cayetano na magastos talaga ang magsagawa ng SEA Games. Unang-una, ang gagawing SEA Games sa ating bansa ang pinakamalaki sa kasaysayan ng palarong ito. Marami ang kailangang lugar na pagdadausan ng sports compe-titions. Pero kahit na mas maliit pa sa badyet ng Singapore na P15 billion noong 2015 ang badyet ng Filipinas para SEA Games ngayong taon, nakapa-ghanda tayo ng maayos at world-class na facilities tulad na lang ng mga naka-ready ng facilities sa New Clark City.
Kung matatandaan, P7.5 bilyon ang badyet na hiniling para sa SEA Games, pero tinapyasan pa ito ng Senado dahil na rin sa pasimuno ni Drilon, ng P2.5 billion. Nadagdagan lang ito ng P1 billion pa dahil sumaklolo ang Office of the President at bukod diyan ay nangalap ng mga sponsor ang PHIS-GOC para masalo ang iba pang gastusin.
‘Yung kaldero namang sinasabi ni Drilon na nagkakahalaga raw ng P50 million ay P45 million ang tunay na halaga, at gawa ng ating National Artist for Architecture na si Bobby Mañosa. Simbolo ito ng SEA Games at hindi lamang basta kaldero. Itinuturing itong work of art ng isa sa ating mga na-tional artist kaya’t mahalagang bahagi ito ng ating kultura at kasaysayan. Kung tutuusin ay priceless o hind mapapantayan ang halaga nito. Ang Singa-pore nga ay gumastos ng P63 million para sa kanilang SEA Games cauldron na hindi naman nilang maipagmamalaking gawa ng isang national artist.
Kung ‘yung mga pinatayong first-class sports facilities naman sa New Clark City ang pag-uusapan, aba’y ‘di ba matagal nang nag-iingay ang mga poltiko natin na kesyo pinababayaan daw ng pamahalaan ang ating mga atleta kaya’t kailangan pang pumunta sa ibang bansa para makapagtraining ng maayos? Ngayong mayroon nang world-class na sports complex sa New Clark City at pati na rin mga tirahan ng mga atletang magte-training doon, may reklamo pa rin? Ba’t naman ganon, Senador Drilon, ano ba talaga ang gusto mo?
Nang maipaliwanag ng maayos at malinaw ni Cayetano ang lahat ng puntong inungkat ng senador, nag-iba na ang ihip ng hangin. Binigyang-diin ni Drilon na wala siyang sinasabing overpricing at sinabi pang kilala niya ang matatag na posisyon ni Cayetano laban sa korupsiyon kaya’t tiyak siyang walang anomalya sa paggastos ng pondo sa SEA Games.
Iyan naman din talaga ang dahilan kung bakit si Cayetano ang inilagay ng Pangulong Duterte sa PHISGOC. Alam niyang magiging malinis at wala kahit na ihip man lang ng korupsiyon ang pamamahala ng pondo para sa SEA Games kung si Cayetano ang magiging chairman ng Committee.
Kung wala naman palang pangamba si Drilon na may anomalya o overpricing sa mga ginastos para sa SEA Games, bakit pa siya nag-ungkat ng kung ano-anong isyu na nakaka-demoralize lang sa ating mga atleta at nakasisira sa imahe ng bansa? Walang lugar ang grandstanding kung national pride at karangalan na ng ating bansa ang pinag-uusapan. Grandstanding pa more? Pamumulitika pa more? Manahimik na nga kayo kung ayaw n’yong tumulong.