QUEZON- NAIPROKLAMA na kahapon ang kauna-unahang babaeng gobernador ng lalawigan ng Quezon si dating 4th District Representative Angelina “Helen” Tan.
Batay sa unofficial -partial results ng Commission on Elections (Comelec) umabot na sa 787.091 boto ang nabilang pabor kay Dra. Tan.
Umabot naman sa 318,916 boto ang nakuha ng kanyang kalaban na si dating incumbent governor Danilo Suarez.
Sa kasaysayan, si Tan ang kauna-unahang babaeng pulitiko na naihalal sa pinakamataas na posisyon sa lalawigan ng Quezon.
Ang Quezon ay mayroong 1,424,023 voting population.
Si Tan ay nanungkulan bilang kongresista ng siyam na taon sa nasabing distrito kung saan dito niya naipakita ang kanyang kakayahang magserbisyo sa kanyang mga nasasakupan.
Ayon sa pahayag ng ilang residente, gusto nila ang serbisyo ni Tan kung saan nakita nila na ang husay nito, maraming magagandang proyekto na pinakikinabangan ng mga mamamayan ng Quezon District 4.
Dagdag pa ng mga taga-4th district sa Quezon na ang pagboto nila kay Tan ay upang magkaroon ng pagbabago sa kanilang lugar. EVELYN GARCIA