(Ginamitan ng hybrid solar power system) KAUNA-UNAHANG ‘BRGY CHRISTMAS VILLAGE’ BINUKSAN SA CAVITE CITY

LUMIWANAG at kumukuti-kutitap ang buong Brgy. San Jose na tinaguriang  ‘Barangay Christmas Village’ matapos na opisyal itong binuksan nitong Disyembre 5 ganap na alas-7 ng gabi na sinaksihan ng maraming tao.

Gamit ang hybrid solar power system ng Brgy. San Jose, 58-M San Roque, Cavite City ay lumiwanag ang buong barangay na sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lamang nasilayan sa mahabang panahong lumipas.

Paskong-pasko na ang buong Brgy. San Jose na bukas din para sa ibang mga residente upang mamasyal at magpakuha ng litrato.

Hindi naman nababahala ang pamunuan ng Brgy. Jose sa ikokonsumo nilang kuryente sa dami ng Christmas Light na pinailawan dahil tanging solar lamang ang nagpapaandar dito.

Sa panayam sa 42-anyos na si Brgy. Capt. Rizaldy Consigo, sinabi nito na matagal niya itong pinaghandaan.

Aniya, napag-iwanan na sila ng husto ng mga karatig-barangay kaya kahit sa simpleng pamamaraan man lang ay maging masaya ang pasko ng bawat residente partikular sa mga bata ng Brgy. San Jose.

“Matagal na ako dito sa San Jose, alam ko kung ano ang ayaw at gusto ng mga tao. Alam ko kung ano ang guato nila ngayong pasko. Kung masaya sila mas doble ang saya ko kasi natupad na ang pangarap ng bawat tao dito sa San Jose”, paliwanag ni Consigo.

Iba’t ibang magagandang reaksyon naman ang naging komento ng mga tao.

“Matagal na akong naninirahan dito sa San Jose, dito na ako tumanda. Ngayon lang nangyari ito, God Bless,” mensahe ni Rico Santos.

“Napakaganda ng ating barangay, keep it up. Big salute sa pamunuan ng buong brgy,”, ani Cezil Cruz.

“Sobrang ganda ng Kapaskuhan ng buong Brgy. San Jose,” ani Joanna Datu

Ang Brgy. San Jose ay hango sa pangalan ng ama ni Hesus na asawa ni Maria na isinilang sa sabsaban sa panahon ng tag-lamig at si Jose ay isang karpintero mula sa Nazareth.

Ang Brgy. San Jose ay isa lamang sa 82 barangay na bumubuo sa lungsod ng Cavite City.

SID SAMANIEGO