KAUNA-UNAHANG PROVINCIAL ADVISORY COUNCIL SUMMIT SA BULACAN

BULACAN

BULACAN – Kaugnay ng temang “Pagpapalakas ng Ugnayan sa Komunidad tungo sa Mabuting Pamamahala,” isinagawa ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) at Provincial Advisory Council (PAC) sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Munisipalidad ng San Rafael ang kauna-unahang Provincial Advisory Council Summit na ginanap sa Victory Coliseum sa Brgy. Sampaloc, San Rafael.

Tinipon sa nasabing summit ang mga hepe ng pulisya, strategy management personnel at mga kasapi ng bawat advisory council sa mga istasyon ng pulis sa lalawigan upang higit na bigyang linaw sa mga ito ang kanilang kahalagahan sa pag-abot ng Philippine National Police Peace and Order Agenda for Transformation and Upholding of the Rule of Law o PNP PATROL Plan 2030.

Sa mensahe na inihatid ni Chief of Staff Antonio del Rosario, sinabi ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado na mabigat ang nakaatang na responsibilidad sa PNP upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan kung isasaalang-alang ang pagtaas ng insidente ng krimen na resulta ng mas malawak na suliranin ng kahirapan.

Binigyang-diin din ng gobernador ang kahalagahan ng pagpapanatili ng imahe ng integridad at katapatan sa pulisya gayundin ang gampanin ng mga lokal na pamahalaan at mamamayan sa pagkakaroon ng ligtas na pamayanan.

Ipinaliwanag naman ni Sr. Supt. Chito Bersaluna ang mga konsiderasyon sa pagkilala sa mga bubuo sa advisory council kabilang na ang kilala sa integridad; mahusay na pinuno; may adbokasiya sa malinis na paglilingkod, mabuting pamamahala at pagbabago; sanhi ng pagkakaisa; partisipasyon sa mga gawain ng konseho; at residente o kasaluku­yang naka-assign sa lugar.

Binuo ang nasabing Advisory Council bilang requirement sa Performance Governance System (PGS) na katumbas ng Seal of Good Local Governance (SGLG) sa mga pampublikong tanggapan.  A. BORLONGAN

 

Comments are closed.